Bata pa lang ako, alam ko nang mahalaga sa akin ang makapagtapos ng pag-aaral. Hindi dahil sinabi ng iba, kundi dahil nakita ko kung gaano kahirap para kina Mama at Papa na maitaguyod ang pag-aaral ko.
Habang lumalaki ako, naging malinaw sa akin na ang pagtatapos ko ay ang tanging regalong kaya kong ibigay para masuklian ang ilang dekadang paghihirap ng mga magulang ko. Isa itong pangarap na sabay-sabay naming binubuo ni Mama at Papa. Kaya habang tumatanda ako, lalo akong nagiging pursigido. Nag-aral ako nang mabuti, nagtiis sa puyat, humabol sa deadlines, at paulit-ulit na pinapaalalahanan ang sarili ko na kailangan kong matapos ang pag-aaral.
Pero habang papalapit ako sa pagtatapos, may isa pang pangarap na unti-unting nabuo sa isip ko—ang maging Laude.
Walang nagsabi nito sa akin. Walang pumilit na ganito ang maging pangarap ko. Kasi kahit hindi sabihin nina Mama at Papa, ramdam ko.
Ramdam kong pangarap din nila na isang araw ay maranasan nilang magkabit ng isang malaking tarpaulin sa tapat ng bahay namin. Iyong may litrato ko na nakasuot ng toga, nakangiti, at sa ilalim ng pangalan ko ay nakasulat ang salitang “Cum Laude.”
Hindi man nila sabihin, alam kong gusto rin nilang maranasan iyong mga nakikita nila sa Facebook. Iyong mga magulang na sinusurpresa ng kanilang anak matapos malaman na may Latin honor ito. Iyong mga videong nag-iiyakan pa sila habang patuloy na pinanonood ang inihandang sorpresa ng anak habang tumutugtog ang kantang “MAPA” ng SB19.
At sa totoo lang, iyon din ang pangarap ko.
Hindi dahil gusto ko lang marinig ang salitang laude pagkatapos ng pangalan ko habang umaakyat sa stage. Hindi dahil gusto kong may maipagyabang sa iba. Gusto kong maging laude dahil pakiramdam ko, iyon na lang ang kaya kong ibigay para masuklian ang lahat ng ginawa nila Mama at Papa para sa akin.
Para kay Papa na patuloy na nagpupukpok at gumagawa ng ibang bahay kahit pa puro sugat na ang mga kamay. Para kay Mama na walang tigil sa pagkuskos at paglinis ng ibang bahay kahit pa ramdam kong pagod na pagod na rin siya. Para sa bawat bayarin na sana ay binibili na lang namin ng pagkain pero pinambabayad pa rin sa mga gastusin sa paaralan. Para sa bawat pagkakataong alam kong may gusto rin silang makuha, pero inuuna muna nila kung ano ang kailangan naming magkakapatid. Para sa mga taong hindi ko nakikitang umiiyak kapag walang-wala na, dahil ayaw nilang maramdaman kong ako ang dahilan kung bakit naghihirap sila.
Kaya gusto kong dumating ang araw na maibabalik ko kahit kaunti ang lahat ng iyon.
Gusto kong umuwi ako sa bahay isang araw na may hawak na medalya. Gusto kong makita silang nakangiti at maramdaman nilang hindi sayang ang lahat ng pagod at paghihirap nila para sa amin. Gusto kong maramdaman nila ang pagkabit ng tarpaulin sa harap ng bahay namin. At gusto kong marinig nila mula sa akin ang mga salitang, “Ma, Pa, sulit lahat ng paghihirap ninyo.”
Pero isang araw, nang buksan ko ang grades ko sa system, parang isang bulang naglaho ang lahat ng mga pangarap kong iyon—isang mababang grado. Isang grado lang sa isang subject.
Ni hindi sumagi sa isip ko na dahil lang sa isang subject, lahat pala ng pangarap ko ay puwedeng maglaho.
Paulit-ulit kong tinitigan ang screen dahil baka namalik-mata lang ako. Paulit-ulit kong ni-refresh ang system dahil baka namali lang sila sa paglagay ng grado. Pero kahit anong pilit ko, ganoon pa rin ang lumalabas—tres pa rin.
Hindi na ako laude.
Sa sobrang sakit na nararamdaman ko noong mga oras na iyon, maging luha ko ay hindi na makayang bumagsak mula sa mga mata ko. Kasi hindi lang naman ang pangarap kong maging “Laude” ang nawala; pati iyong pangarap kong maibigay kina Mama at Papa ang isang bagay na alam kong matagal din nilang hinihintay—pati iyon nawala.
Dahil lang sa isang grado.
Sobrang sakit. Kasi hindi man nila ako pinilit, hindi man nila sinabi na mabibigo sila sa akin kapag hindi ako nagkaroon ng Laude, paano ko naman masusuklian ang lahat ng ginawa nila kung hindi ko man lang maibigay ang bagay na iyon? Paano ko man lang masasabing sulit ang lahat kung hindi ko kayang ibigay ang pangarap na iyon?
Aminado akong masakit. Masakit dahil alam kong kaya ko sanang ibigay iyon. Masakit dahil ilang puntos lang ang pagitan ng pangarap ko mula sa katotohanan. Masakit dahil matagal ko ring pinangarap na makita ang pangalan kong may kasunod na “Cum Laude.” At mas masakit dahil gusto kong makita ang mga magulang kong nakangiti sa araw na iyon.
Kaya kung sakaling mabasa ninyo ito, Mama at Papa—sorry.
Sorry dahil hindi ko na matutupad iyong pangarap na hindi ninyo man sinabi, pero ramdam kong pinapangarap ninyo rin. Sorry kasi hindi na ako magiging Laude. Sorry kasi hindi ko na kayang maibigay ang pinangarap kong tarpaulin na may nakasulat na Cum Laude sa ilalim ng pangalan ko. Sorry kasi hindi ko na kayang maiabot sa inyo ang isang medalyang salamin ng pagsisikap ninyo.
Pero sana, kapag dumating ang araw ng graduation ko, kahit diploma lang ang hawak ko, maipagmamalaki ninyo pa rin ako. Dahil kahit hindi ako naging laude, hindi naman ako sumuko.
At kung may isang bagay man akong natutuhan mula sa lahat ng ito, iyon ay hindi ko naman talaga siguro kailangang magtapos na may Laude sa kasunod ng pangalan ko para masabing sulit ang lahat ng paghihirap ninyo. Siguro, sapat nang makapagtapos ako. Sapat nang makita ninyo akong umaakyat sa entablado. Sapat nang makita ninyong natupad ko ang pangarap nating lahat mula pa noong bata ako. At baka sa araw na iyon, sa halip na sabihin kong, “Ma, Pa, Cum Laude ako,” ang masasabi ko na lang ay, “Ma, Pa, nakapagtapos na ako. Salamat.”
At sana, sa dalawang salitang iyon, maramdaman ninyo ang lahat ng hindi ko kayang sabihin.
“Sorry, Mama. Sorry, Papa. Hindi ako laude. Pero hindi ko kailanman kakalimutan kung bakit ako nagsikap.”
Written by John Benedict N. Banday, Insight PH
John Benedict N. Banday, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



