Ano ang unang pumapasok sa isip mo kapag naririnig mo ang salitang “pangalawang magulang”?
Marahil, isang taong dumating matapos mawala ang isa.
Isang bagong mukha sa tahanang minsang nabasag.
Isang taong piniling tawaging pamilya kahit hindi kadugo.
Ngunit para sa akin, ang pangalawang magulang ay hindi lamang taong kasama ko sa iisang tahanan.
Sila ang mga taong halos araw-araw kong nakikita.
Mga taong hindi ko kadugo, ngunit minsan ay mas nauunawaan pa ang mga pangarap, takot, at kahinaan ko.
Sila ang aking mga guro.
Mga taong unang nakakita sa aking kakayahan noong ako mismo ay nagdududa pa kung mayroon nga ba akong kayang gawin.
Mga taong humawak sa aking mga pangarap bago ko pa man matutunang panghawakan ang mga iyon.
At ngayong nasa unang hakbang na ako ng aking buhay bilang isang kolehiyala, dala-dala ko pa rin ang mga alaala ng mga taong minsang tumayo sa harapan ng pisara at unti-unting humubog sa kung sino ako ngayon.
May mga gurong parang umagang tahimik.
Matiisin.
Maunawain.
Malumanay ang tinig at marunong makapansin ng lungkot na pilit itinatago sa isang ngiti.
Ngunit may mga gurong parang kulog.
Malakas ang boses.
Mabilis magalit.
Maikli ang pasensya.
May mga pagkakataong tila hindi patas.
Ngunit kahit sila ay may mga araw na mabigat, hindi ibig sabihin na wala silang puso.
Dahil sa likod ng bawat pagsaway ay maaaring may pag-aalala.
Sa likod ng bawat mahigpit na salita ay maaaring may pagnanais na matuto tayo.
At sa likod ng bawat gurong tila galit sa atin ay isang pusong marunong pa ring magmahal.
Dahil ang guro ay hindi lamang guro.
Tao rin sila.
May tahanang kanilang inuuwian.
May pamilyang kanilang inaalala.
May mga bayaring kailangang pag-isipan.
May mga anak na kailangang suportahan.
May mga mahal sa buhay na maaaring may sakit.
May mga problemang hindi nila maaaring iwan sa pintuan ng kanilang tahanan.
At higit sa lahat, may mga laban silang pinipiling hindi ipakita sa atin.
Kaya marahil, hindi natin alam na ang ngiting inihaharap nila sa atin ay maaaring takip sa mga luhang buong gabi nilang pinigilang tumulo.
Hindi natin alam na habang tinuturuan nila tayong hanapin ang tamang landas, sila rin ay nangangapa sa sarili nilang daan, patuloy na natututo, nagkakamali, bumabangon, at unti-unting inuunawa ang buhay.
Hindi natin alam na ang gurong nagsasabing, “Kaya mo iyan,” ay maaaring siya rin mismo ang nangangailangan ng isang taong magsabi sa kanya ng ganoon.
At gayon pa man, pumapasok sila.
Araw-araw.
Muli at muli.
Kahit pagod.
Kahit may problema.
Kahit minsan ay gusto na lamang nilang huminto.
Dumarating sila sa paaralan dala ang kanilang mga libro, aralin, at mga ngiti.
Ngunit hindi natin nakikita ang ibang dala nila.
Ang pagod.
Ang pangamba.
Ang mga alalahanin.
Ang bigat ng buhay.
May mga gurong bumibiyahe nang ilang oras para lamang makarating sa paaralan.
Tumatawid sa mahabang daan.
Humaharap sa ulan.
Nagtitiis sa malakas na hangin.
Nasisiraan ng gulong.
At kung minsan, pati aksidente ay kanilang nararanasan.
Ngunit kinabukasan, naroon pa rin sila.
Dahil may mga batang naghihintay.
May mga araling kailangang ituro.
May mga pangarap na kailangang gabayan.
At may mga batang kailangang maniwala sa kanilang sarili.
Kaya sa mga mag-aaral na madaling mainis sa kanilang mga guro, sana ay matuto tayong tumingin nang higit pa sa kanilang mga pagkakamali.
Sana ay matuto tayong makinig.
Matutong umunawa.
Matutong rumespeto.
Dahil hindi natin alam kung anong bagyo ang dinaanan nila bago sila makarating sa ating silid-aralan.
Baka ang gurong sinisigawan natin ay may kapamilyang may sakit.
Baka ang gurong pinagtatawanan natin ay ilang gabi nang hindi natutulog.
Baka ang gurong sinasabihan nating masungit ay may pusong pagod na pagod na, ngunit pinili pa ring ngumiti para sa atin.
At baka ang gurong pinapaiyak natin ay siya ring gurong minsang nagpahid ng ating luha.
Kaya masakit isipin ang mga balitang may mga gurong sinasaktan ng kanilang sariling mga mag-aaral.
May pinag-iinitan.
May binubugbog.
May sinasaktan.
May mga gurong matapos ang isang insidente ay hindi na muling nakapasok sa silid na dati nilang minahal.
Ang silid na dating puno ng tawanan.
Ang pisara na dating puno ng mga aralin.
Ang mga upuang dating puno ng mga batang kanilang tinuruan.
Biglang naging lugar ng takot.
At doon ko naitanong sa aking sarili,
Kailan natin nakalimutang ang gurong nasa harapan natin ay tao rin?
Tao na napapagod.
Tao na nasasaktan.
Tao na umiiyak.
Tao na may sariling buhay bago siya naging guro natin.
Hindi sila perpekto.
Hindi rin namin inaasahang maging perpekto sila.
Ngunit sana, bago tayo magsalita.
Bago tayo manakit.
Bago tayo manghusga.
Alalahanin muna natin kung ilang beses nila tayong pinili kahit mahirap tayong intindihin.
Ilang beses nila tayong hinikayat nang gusto na nating sumuko.
Ilang beses nilang sinabi na kaya natin kahit tayo mismo ay hindi naniniwala sa ating sarili.
Sapagkat ang guro ay hindi lamang tagapagturo.
Sila ang mga kamay na umaalalay kapag tayo ay nadadapa.
Ang tinig na nagsasabing kaya pa natin.
Ang ilaw na nananatiling bukas kahit madilim na ang daan.
At sa ilang taon ng ating buhay, sila ang naging pangalawang magulang na hindi natin hiniling, ngunit ipinagkaloob sa atin.
Kaya ngayong Araw ng mga Guro, hindi lamang natin ipagdiwang ang kanilang pagiging guro.
Ipagdiwang natin ang kanilang tapang.
Ang kanilang tiyaga.
Ang kanilang mga luhang hindi natin nakikita.
Ang mga gabing sila rin ay nangangailangan ng pahinga.
Ang mga araw na pinili nilang magpatuloy kahit mabigat.
At ang pusong patuloy na nagtuturo kahit marami na itong pinagdaanan.
Sa lahat ng gurong minsang tumingin sa amin at nagsabing, “Kaya mo iyan,”
maraming salamat.
Dahil kung minsan, hindi namin alam na ang simpleng paniniwala ninyo sa amin ang siyang naging dahilan upang maniwala rin kami sa aming sarili.
At kung balang araw ay makalimutan namin ang ilang aral na isinulat ninyo sa pisara, sana ay hindi namin makalimutan ang pinakamahalagang leksiyon na itinuro ninyo—
ng maging mabuting tao.
Maligayang Araw ng mga Guro, sa aming mga pangalawang magulang.
Hindi man namin kayo kadugo, kayo ang ilan sa mga taong naging bahagi ng aming paglaki, pagkatuto, at mga pangarap.
At habang patuloy kaming lumalakad patungo sa aming mga pangarap,
dala-dala namin ang inyong mga salita,
ang inyong mga aral,
at ang pagmamahal na minsang naging tahanan namin
sa loob ng isang silid-aralan.
Written by Kaylyn Intes, Insight PH
Kaylyn Intes, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



