SPORTS FEATURE | Binuhay ng Pagkamatay: Pag-arangkada ni Albert Ian bunsod ng pagkawala ng ama

H

Harvey Padua & Rhan Saloma, Insight PH

Author

4 min readJuly 23, 2026
SPORTS FEATURE | Binuhay ng Pagkamatay: Pag-arangkada ni Albert Ian bunsod ng pagkawala ng ama

Kapag ang isang tao ay nawalan ng isang taong naging kaagapay at karamay nito sa lahat ng bagay, marahil ito ang makapagpagguho ng mundo niya. Subalit, hindi ito ang landas na tinahak ni Albert Ian delos Santos — pinili niyang magpatuloy sa kung ano ang kaniyang nasimulan sa kabila ng pagpanaw ng pinakamamahal niyang ama.

Nitong Marso lamang ngayong taon, sumakabilang-buhay na ang ama ni Albert na si Alvin delos Santos sa edad na 47 dahil sa kanser sa atay. Nagmistulan siyang nawalan ng baston na nag-aakay sa kanya upang makalakad ng tuwid at maayos. 

Gayunpaman, hindi ito naging balakid upang pagatin niya ang kanyang pangarap. Pagewang-gewang man ang kaniyang paglalakad, sinigurado niyang diretso pa rin ang kaniyang paglalakbay tungo sa tagumpay.

Mula sa Kirot Patungo sa Kampeonato

Sa ginanap na IWF Junior World Championships sa Ismailia, Egypt noong ika-4 ng Mayo, nanaig si Albert Ian sa men's 71-kilogram division na may kabuuang 326 kg — 17 kg na mas mabigat kaysa sa pinakamalapit niyang katunggali, si Yash Vinod Khandagale ng India. Nakakuha ito ng 139 kg at nagwagi ng junior world record na 187 kg sa clean and jerk. 

Ngunit higit sa mga numero, may mas mabigat na bagay na dala-dala si Albert Ian sa platform noong araw na iyon — ang kalungkutan sa pagkawala ng kanyang ama, at ang determinasyong gawing lakas ang luha.

Matapos ang kanyang huling lift, tumakbo siya palabas ng platform at niyakap ang kanyang ina na si Diwa. Nang ilabas ng ina ang larawan ng yumaong asawa, hinalikan ito ni Albert Ian at paulit-ulit na bulong, "I did it for him! I did it for him!" 

Noong nakaraan, naging lubhang malalim ang kalungkutan ni Albert Ian kaya naaksidente siya, at halos walang lakas, pisikal man o mental, sa paghahanda para sa kaniyang ikatlong magkakasunod na world title. 

"I deviated from my coach's percentages in training and wanted to do every lift for my dad. It was my way of trying to get over the pain," aniya. "I wore myself out, and two Saturdays ago I injured my back. I couldn't even walk for a couple of days. I felt so bad, I was in a deep void."

Higit sa Ginto

Sinabi ng pangulo ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas na si Monico Puentevella na maliwanag ang kinabukasan ni Albert Ian, at itinuturing itong posibleng kalahok sa 2028 Los Angeles Olympics. 

Nagsasanay si Albert Ian sa ilalim ng Olympic champion na si Hidilyn Diaz at ng kanyang asawang coach na si Julius Naranjo sa HD Weightlifting Academy sa Rizal. Hindi biro ang daan na tinahak ni Albert, ang kanyang nakaraang record na 185 kg sa IWF World Championships sa Forde, Norway noong Oktubre 2025 at pinagbuti pa niya ito ng 186 kg sa 2025 Southeast Asian Games. Sa Ismailia, pinalampas na niya ang lahat ng iyon.

 

Sinabi pa ni Albert Ian na ang pag-aalay ng tagumpay sa kanyang ama na dating pambansang atleta rin — ang nagpapanatili sa kaniyang lumalaban kahit anong sakit ang kanyang nararamdaman sa panahon ng pagsasanay. 

Ang kanyang ina na si Diwa, na isang national coach din, ay nakasama sa kanyang tabi sa araw na iyon. Sa isang kumpetisyon kung saan inaangat ang mga bakal, siya ang pinakamabigat na dalang kanyang inangat — ang pagmamahal sa isang amang wala na.

Hindi lamang ginto ang uwi ni Albert Ian mula sa Egypt — uuwi rin siya na may mas malinaw na sagot sa tanong na marahil ay lagi niyang tinatanong sa kanyang sarili matapos mamatay ang kanyang ama: Kayang-kaya ko pa bang magpatuloy?

Sa bawat kilo na kanyang inangat sa Ismailia, isa-isang sinagot ni Albert Ian ang tanong na iyon — hindi para sa mundo, kundi para sa isang lalaking naniniwala pa rin sa kanya kahit saan man siya naroon ngayon.

H

Written by Harvey Padua & Rhan Saloma, Insight PH

Harvey Padua & Rhan Saloma, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Sports

JJB Nitura, Insight PH

SPORTS FEATURE | CURSE: Tragedy of Victor Wembanyama

Victor Wembanyama was supposed to be basketball’s next great champion. From a young age, he stood above everyone else, not just because of his heig...

6 days ago 2 min read
HHarvey Padua

SPORTS | Aurora Türkiye stuns Team Liquid PH, drops defending champions to lower bracket

Aurora Gaming Türkiye swept defending champions Team Liquid PH, 2-0, during the Mobile Legends Bang Bang (MLBB) Mid-Season Cup (MSC) 2026 Group Sta...

1 month ago 1 min read
KKenneth Martin Lerio, Insight PH

SPORTS | Torres' late winner powers Spain past Argentina for 2nd World Cup crown

Spain banked on substitute Ferran Torres' gutsy extra-time strike to seal a 1-0 victory over defending champion Argentina and notch its second Fédé...

1 month ago 1 min read
Explore all Sports articles