Tuwing umaga, isang hari ang agad na gumigising—haring walang trono, walang palasyo, ngunit napupuno ng pangarap. Papasok siya sa kaniyang kaharian—kahariang hindi yari sa ginto kundi sa alikabok, usok, at pawis. At ang haring iyon ay ang Hari ng Lansangan—haring hindi sinasamba, bagkus ay araw-araw na sinusubok, pinipiga, at unti-unting pinatutumba ng sistemang matagal nang nabubulok.
Kapag ang mga tandang ay tuluyan nang umawit kasabay ng tuluyang pag-ahon ng araw, agad na bumabangon ang hari. Bitbit ang pampasadang sasakyan—na wari’y hindi na lamang kasangkapan kundi bahagi na ng kaniyang katawan—sumasabak siya sa panibagong araw ng pakikipagsapalaran. Sa bawat pasada, hindi lang pasahero ang kaniyang isinasakay, kundi mga pangarap, obligasyon, at responsibilidad na pilit niyang binubuhay sa gitna ng hirap.
Ngunit sadyang dumarating ang panahong bigla na lamang magpapahinto sa lahat.
Sa gitna ng kalsada, sa gitna ng ingay at pagmamadali ng mundo, natigilan ang kaniyang sasakyan—isang tahimik ngunit marahas na paalala na ubos na ang langis sa tangke ng kaniyang kaharian. At kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa merkado, tila hindi lang langis sa tangke ang unti-unting nauubos. Isa-isang kinakaltas ang kaniyang dignidad, sinasagad ang kaniyang lakas, at marahang pinapatay ang natitira niyang pag-asa.
Ang dating paalalang nakasabit sa harapan ng kaniyang dyip na "Barya lang po sa umaga" ay hindi na lang simpleng pakiusap, isa na itong paalala ng isang hindi patas na sistema. Ngayon, mas ramdam na ang masakit na katotohanan, "Kulang na ang barya lang sa umaga.”
Ayon sa Kagawaran ng Enerhiya, muling tumaas ang presyo ng produktong petrolyo ngayong Marso 2026, dulot ito ng tensyon sa pagitan ng mga bansa sa Gitnang Silangan at ng Estados Unidos. Ngunit para sa mga tsuper, hindi lamang ito simpleng balita—isa itong hatol. Mula sa dating abot-kayang presyo, pumalo sa tripleng numero ang presyo ng langis. At sa bawat pisong dagdag sa gasolina, may katumbas na bawas sa pagkain ng kanilang pamilya. Sa bawat araw na matumal sa pasahero, may isang batang hindi nabibigyan ng baon.
Hindi na ito usapin ng ekonomiya—usapin na ito ng buhay.
Isang malinaw na patunay ang kwento ni Rhoyz Pacheco, isang jeepney driver mula sa Parañaque. Dati, umaabot lamang sa PHP 900 ang kanyang gastos sa krudo. Ngayon, halos PHP 2,000 na—doble, halos triple kung tutuusin ang bigat. Samantala, ang kanyang kita ay bumulusok mula PHP 1,500 kada araw tungo sa PHP 500 o mas mababa pa. Ibig sabihin, mas mahaba ang oras sa kalsada, mas malaki ang pagod, pero mas maliit ang uwing pera.
Ito ba ang tinatawag nating "hanapbuhay," o isa na itong tahimik na pananamantala?
Sa halip na tuloy-tuloy na biyahe, napipilitan silang gumapang—literal at simboliko. Bawat kanto ay sinusuyod, bawat pasahero ay pinakikiusapan. Hindi na ito simpleng pasada lamang; isa na itong desperadong pakikibaka para lang mabuhay sa araw-araw.
At habang sila'y lumulubog, ano ang tugon ng mga nasa itaas?
Isang pisong dagdag pasahe ang sinuspinde—isang pisong tila walang halaga sa iba, pero napakalaking bagay para sa tsuper na bawat sentimo ay mahalaga. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inilabas ang anunsyong ito bilang bahagi ng "solusyon." Ngunit sa totoo lang, parang sampal ito sa mga tsuper. Sa gitna ng krisis, tinanggalan pa sila ng kaunting pagkakataong makahinga.
Solusyon ba ito, o dagdag lamang sa kanilang mga pasanin?
Dagdag pa ang 4-day work arrangement at asynchronous classes—mga polisiyang tila walang konsiderasyon sa sektor na arawan ang kita. Kapag walang pasok, walang pasahero. Kapag walang pasahero, walang kita. At kapag walang kita, may pamilyang magugutom.
"Kayo na nga lang ang pag-asa namin, wala pa kayong pasok." mutawi pa ng isang tsuper.
Mas nakakadurog pa ng loob ang kawalan ng konkretong tulong mula sa pamahalaan. Walang sapat na fuel subsidy. Walang agarang aksyon. Walang malinaw na direksyon. Sa huli, ang mga tsuper ang naiipit—parang laging sila ang kailangang mag-adjust, magtiis, at magdusa.
"Hindi ba kami Pilipino, at nae-echapwera kaming mga tsuper?" masakit na tanong ni Tatay Rhoyz. Isang tanong na hindi na dapat tinatanong—dahil kung maayos ang sistema, hindi nila mararamdaman na napag-iiwanan sila.
Ngunit hindi lang gobyerno ang may pananagutan. Tayo rin—mga komyuter. Ilang beses tayong nagreklamo sa sukli? Ilang beses tayong nag-"123"? Ilang beses nating minamaliit ang hirap ng mga tsuper? Sa bawat maliit na panlalamang, may katumbas na dagdag na problema sa kanila.
Ang pagiging makatao ay hindi lang nasusukat sa malalaking aksyon, kundi sa simpleng pagbabayad ng tama, sa pag-unawa, at sa pagrespeto.
Ang mga tsuper ay matagal nang bayani ng lansangan—pero hindi sapat ang tawagin silang bayani kung pababayaan din naman silang maghirap. Dahil ang totoo, ang bayani na walang suporta ay hindi bayani—isa lamang siyang biktima ng sistemang mapang-abuso.
At kung patuloy natin silang pababayaan, darating ang araw na hindi na sila babangon. Hindi na aandar ang mga dyip. Hindi na gagalaw ang lungsod. At kapag nangyari iyon, saka lang natin mararamdaman kung gaano sila kahalaga.
Panahon na para hindi lang tayo sumakay—kundi makialam. Hindi lang makisimpatya—kundi manindigan. Tulungan, suportahan, at bigyang halaga ang kinikilala nating mga bayani. Dahil ang laban ng tsuper ay hindi lang laban ng iilan. Ito ay laban nating lahat.
Written by John Benedict N. Banday (Veritas), Insight PH
John Benedict N. Banday (Veritas), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



