KOMENTARYO | Hindi ‘bayad’ ang tunay na alagad ng katotohanan

A

Avaia, Insight PH

Author

3 min readMay 16, 2026
KOMENTARYO | Hindi ‘bayad’ ang tunay na alagad ng katotohanan

Sa tuwing lilitaw ang panibagong isyu, mga mamamahayag ang gumigising nang maaga upang maghatid ng mainit at may kalidad na impormasyon para sa bayan sa harap ng kamera habang bitbit ang kanilang mikropono. Kapag may bagyo, aksidente, sunog, o gyera man, sila pa rin ang katuwang na nagseserbisyo sa publiko. Iniinda ang kapahamakang maaaring nitong idulot sa kanila sa ngalan ng katotohanan at ng mga Pilipino.

Sa katatapos lang na barilan na naganap sa Senado kahapon, ika-13 ng Mayo, kung saan nasa hukay na ang kabilang paa ng bawat mamamahayag, mas pinili pa rin nilang manindigan. May mga humagulgol, natakot, at nagkagulo, pero para sa pagbabalita at responsableng pamamahayag, ipinagpatuloy nila ang kanilang tungkulin.

Ngunit sa kabila ng lahat ng paghihirap na ito, tinatawag pa rin silang “bayad,” “may pinoprotektahan,” at “biased.” Bayaran na bang maituturing kung piliin ng isang alagad ng katotohanan ang manindigan? Kung mas pinili nilang magkaroon ng prinsipyo, dignidad, at katapatan sa mga Pilipino? Dahil sa totoo lang, hindi naman ‘neutral’ ang pamamahayag. Hindi pupwedeng sa panahon na nagdudusa at inaalipusta ang mga nasa laylayan, mananatili ka lang sa gitna. Kakampi ka dapat ng masa. Hindi mo pwedeng isuka ang salitang “hustisya” kung ikaw itong nagbubulag-bulagan pa rin kahit lantad na sa'yong harapan ang umaalingasaw na katotohanan.

Bakit sa mga ‘political vloggers' ay kay dali nating maniwala? Bakit sila hindi natin matawag na bayad gayong ginagawa lamang nila ito dahil may kita at ‘exposure?’ Kung may matatawag mang “bayad” dito, sila iyon at hindi ang mga mamamahayag na dumaan sa tamang proseso bago ihatid sa publiko. Harapin na natin ang katotohanan: Mas madaling mag-viral at sumigaw ng “bias” o “bayad” kaysa maglabas ng ebidensya. Mas madaling maging alipin ng social media dahil dito may kita, sa pagiging tama ay wala. Mas madaling umastang “mulat” kaysa kalabanin ang kasinungalingan at katiwalian.

Hindi kasikatan ang kailangan sa pamamahayag kundi pananagutan. Aanhin mo naman ang latang maingay ngunit wala namang laman? Aanhin mo ang pagiging “mulat” kung hindi mo naman kayang lumaban at masilayan ang tunay na kalagayan ng mga nasa laylayan?

Aminin na natin, kailanman ay hindi matutumbasan ng anumang halaga ang ang dedikasyon at sinumpaang tungkulin ng bawat mamamahayag—ang kumampi at lumaban kasama ang masa. Hangga't bingi ang nasa upuan, hindi nararapat na tumigil ang isang mamamahayag sa pagprotekta sa katotohanan. At ito ang isang bagay na hindi kayang lunukin at gampanan ng mga “so-called political vloggers.” Dahil ang serbisyo ng mga mamamahayag ay para sa masa, hindi sa pera, hindi sa parangal, hindi sa kasikatan, at lalong hindi para sa sino man.

A

Written by Avaia, Insight PH

Avaia, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Commentary

VVis, Insight PH

COMMENTARY | Keep It Cool, Pal!

For an ex-convict to tolerate Bato Dela Rosa’s absence from the senate because of rumors that the International Criminal Court has issued an arrest...

3 months ago 2 min read
NNatalie Angela, Insight PH

COMMENTARY | Who Wins When the Children Lose?

The decision to end the $11 million contract with Catholic Charities in Miami is a move that trades compassion for politics. For over 60 years, thi...

4 months ago 2 min read
AAntonino Leonardo (Anton), Insight PH

COMMENTARY | IDGAF (I don’t give a foul)

Throughout my athletic career, I was told that sports is a place of virtue. While it’s a popular sentiment, my own experience leads me to a differe...

4 months ago 2 min read
Explore all Commentary articles