Sa pagitan ng kalsada, rinig ko na ang kalansing ng mga barya at boses ni lola na tila isang trumpeta: "Pasko na!" hudyat na isa na namang kasiyahan ang muling kinulayan. Ramdam ko na rin ang malamig na hangin sa ere, ito na marahil ang simoy ng Disyembre.
Isang hakbang bago ko pa man buksan ang pintuan, halakhakan ang aking nadatnan. Ang mga hari at reyna ay nakaupo sa trono, bukambibig ang kanilang mga makikinang na ginto at bigating mga titulo, idagdag mo pa rito ang kanilang matatagumpay na negosyo. Ang kanilang mga kwento ay tila piging na nakabubusog, sapat na upang ang kumakalam na sikmura ay pansamantalang makatulog.
"Halika iho, may ibibigay ako sa'yo," wika ni tito na ang himig ay tila isang tinig ng pangako, tiyak ito na naman ang biyayang hinihintay ko — ang aking aguinaldo. Sabik na sabik akong lumapit dito. Subalit wala pa mang dumapong barya sa aking bulsa, naramdaman ko na ang bigat ng aking nadarama, bakit ‘di ko mahagilap ang anino ni mama? Kung kaya't isang tanong ang gumuhit sa gitna ng selebrasyon. “Nasaan ang reyna ng aking pundasyon?”
Ang kislap ng pera ay mabilis na naglaho nang mapadako ang aking tingin sa dulo ng isang pinto. Habang umaalingawngaw ang kantiyawan sa sala, may isang tahimik na mundong pilit hinuhugasan ang luha sa likod ng makukulay na kurtina.
May mas lalamig pa pala sa Disyembreng aking inaakala.
Si mama at ang platera sa kusina — ang tagalinis ng dungis ng kanilang kagalakan, lunod sa sebo ng pagod habang sila'y busog sa tawanan. Kaya’t lumabo man ang tubig dahil sa bula, malinaw pa rin ang repleksyon na may nangyayaring diskriminasyon.
“Kung tumulong lang sana si tita at ‘di nagpatinag sa makukulay na talulot sa dulo ng mga daliri niya, napagaan na sana ang dala-dala ni mama,” ang mga salitang paulit-ulit na naglalaro sa aking isipan, habang si mama ay nagkukuskos ng pinggan.
Doon ko napagtanto ang tunay na halaga ng pagsasama-sama: ang pagsasama-sama ay binabayaran ng taong hindi man lang makaupo sa mesa. At sa bawat balde ng tubig na kanyang itinatapon, kasamang inaanod doon ang sarili niyang pagkakataon.
Written by Alintaboy, Insight PH
Alintaboy, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



