Sa ngalan ng Ama at ng magiging anak sana nating dalawa…
Paano ko ba uumpisahan 'to?
Hindi naman kita ipinagdasal noon,
dumating kang parang tugon sa mga panalangin ko,
sa lahat ng gabing nanginginig ako,
sa takot na baka walang magmamahal sa akin nang buo.
Ikaw 'yung taong marunong humawak ng mga salitang halos mabasag sa kakatwa, 'yung marunong maghintay kapag ako’y nagiging ulan sa sarili kong luha.
Kaya paano ko tatanggapin na ang mga kamay na minsang nakahawak sa akin ay matututong humawak ng rosaryo?
At mas pipiliing humawak dito kaysa sa mga haplos at tanggapin ang mga yakap ko ng buong-buo.
Bakit Diyos pa ang kaagaw ko?
Kung tao lang sana, kaya kong lumaban.
Kaya kong higitan.
Kaya kong angkinin ka pabalik sa ating naturang daan.
Pero paano mo lalabanan ang tawag ng langit?
Paano ko aagawin ang taong mas piniling magsuot ng puting banal kaysa ng barong sa araw ng aming kasal?
Naaalala mo pa ba ang mga araw na nananaginip tayong dalawa?
Humangad ng mga bagay na para sa ating masayang pagsasama.
Habang pinapangalanan ang sana'y bunga ng ating pagiging-isa.
'Yung sinabi mo ring gusto mo ng babaeng kahawig ang aking mga mata, at lalaking marunong magdasal pagkatapos magising ng maaga.
Ngunit mas nagising ako sa katotohanang masaya.
Na hindi pala talaga ito mabuting karma para sa ating pag-iisa.
Nakakatawa, ‘no?
Tinuruan mo akong magmahal ng Diyos
habang unti-unti ka Niyang kinukuha palayo sa aking piling.
Hindi ako galit sa Kanya.
Sinubukan ko.
Pero paano ko magagawang magalit sa Diyos na dahilan kung bakit kita nakilala?
Kung bakit kita minahal ng sobra-sobra.
Kaya heto ako ngayon.
Natutong tanggapin na may mga pag-ibig talagang hindi inilaan para manatili.
Mga pag-ibig na susubukin ang mga mali.
May mga “ikaw at ako” na hanggang “sana” na lamang.
Gaya nang kung paanong itinapos ng isang patlang ang mga pangarap kong pabalang.
Yung tipong mapapatanong ka na lang: “Saan nga ba ako nagkulang?”
Gayunpaman, mamahalin pa rin kita
kahit hindi na bilang akin.
Kahit ang “Mahal kita” mo ay magiging “Pagpalain ka” na lamang balang araw.
Siguro ganoon talaga kapag mahal mo ang isang tao.
Handa mong isuko.
Kahit ikaw pa ang unang yuyuko.
Kaya sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espirito Santong hindi mapapantayan ng aking kaluluwa, patawad dahil mas gugustuhin ko pang sumobra kaysa magkulang sa kanya.
Maging sa ngalan ng Ama at sa magiging anak sana nating dalawa...
Pipiliin ko na lamang na palayain ka, sa bawat pangako natin para sa isa't isa, papalayain ang mga araw na masaya tayong magkasama.
Sapagkat mas tatanggapin kong makita kang naglilingkod para sa iba, at sa Diyos na nagtadhana para sa landas nating nauwi na lamang sa isang parabula.
Kaya kung may makikilala man ako ulit na isang lalaking katulad ka.
‘Yun din ang isang hudyat na mahal din ako ng ating Ama.
Written by Janno, Insight PH
Janno, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



