Oras nang sambahin ang ngalan mo,
Para mabuhay habang-buhay sa puso't isipan mo...
Ito ay isang orasyon sa himalang nagkatawang-tao. Oo, para sa’yo—ikaw na sumalupa ang banal na anyo. At ako ang hamak na debotong sumasalig sa hiwaga ng presensya mo.
Sino ba ako para mapansin mo?
Mga dalangin ko sa 'yo, sana'y pakinggan mo...
Sadyang magkaiba ang ating estado, at wala akong intensyong baguhin kung ano man ang meron tayo. Sapat na sa akin ang lingunin ako ng nakatalikod mong tindig. Kahit maramdaman mo man lang ang kalabit ng aking titig.
Pa'no ba ako magiging 'sang santo?
Para makasama kita diyan sa tabi ng trono mo?...
Hindi sa pagrereklamo sapagkat ako’y kontento na. Hindi ko rin gusto lumampas sa hangganan nang ginuhit mong linya. Ngunit kung maaari, bakit hindi? Kahit hindi yung sobrang lapit, basta umikli ang agwat natin.
Ilan pang pagsubok ang daraanan ko...
Bago ako makaranas ng mga milagro mo?
Saksi ang lilim ng mga ulap kung paano kita tingalain. Maging ang ihip ng hangin ay walang tulak-kabigin sa mga bulong ng aking buntong hininga tungkol sayo. At ang mga galos sa aking mga tuhod mula sa pagluhod, ay isang pinetensya dahil sa salang minahal kita.
Pangako, pinigilan ko ang sarili na mahulog sa sitwasyong walang sasalo. Patawad kung napako ang aking pangako, dahil mas pinili kong ipagtapat ang totoo sa halip na magkunwaring kaya kong itago. Lahat nang kapangahasang ito, ay sa pagbabaka-sakaling matanggap mo ako bilang ‘iyo.
Kung ang atensyon mo ay isang laro, handa akong makipagpatintero. Wala nang ‘maiba-taya,’ kasi kusa naman akong maghahabol kapag umiiwas ka na. Kahit ang makipagtumbang-preso sa mga pamantayan mo ay gagawin ko, buong sikap na tutumbokin ang tayog nito.
Oh, ang langit ay nandito lamang pala sa lupa
At ang impiyerno ay nasa isipan ko, at pinalimot ng 'yong ganda...
Umaawit ang mga anghel, umaawit ang mga anghel,
Nagdiriwang sila nang makasama kita, huwag ka sanang mawawala...
Mamamatay akong nakangiti,
Kapag Ikaw ang nasa aking tabi...
Mangyari mang singilin ng oras ang ating mga nakaw na sandali, ipagkakaloob ko ang aking hiram na buhay bilang kapalit. Mamumutawi ang ngiti sa aking mga labi, kasabay ng mga matang papikit. Dahil ang mahimlay sa iyong lulan ay panaginip na ayaw kong lisanin.
Mabubuhay akong nagsisisi,
Kapag 'sang araw hindi kita napapangiti...
Kung ang panindigan ka ay isang katatawanan, hindi alintana ang maging payaso sa karamihan. Lilibangin ko pati ang mapagbirong tadhana, maiukit lamang ang kurba ng galak sa iyong mukha.
At ang mabigo sa pagpapanatili nito, ay katubas nang pagkitil sa aking sarili.
Kalapastangan ang 'di ka ibigin,
Kalokohan ang 'di ka isipin...
Bagamat kamangmangan ang sukdulang pagsamba sa katulad mo, isang karangalan ang maging hangal na tagapaglingkod. Wala mang mabuti na maidudulot ang ating ugnayan, ay mamarapatin ko parin ang maging masama. Dahil kung mali ang ibigin ka, ayoko nang maging tama.
Kung ang mundo ay bigla ng gugunawin,
Ikaw ang una kong hahanapin...
Written by Kycer Agnes, Insight PH
Kycer Agnes, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



