Sabi nila, bago ka mag-30, mararanasan mo at least once maging kagaya ni Carson—nagmahal nang palihim dahil takot sa posibleng kahantungan—at makatagpo ng isang Dio na kahit ano mang pilit natin ay hindi kayang suklian ang pagmamahal na inaalok sa kaniya.
Parang ako lang at si UP.
Ako si Carson—ang nagmahal, umasa, at nasaktan. 'Yong handang ibigay at ibuhos ang lahat sa ngalan ng pangarap. Si Dio naman ang sinisinta kong paaralan—ang Unibersidad ng Pilipinas. Siya yung ‘out of reach' at hanggang tanaw ko na lang kasi masyadong mataas… masyadong mahirap abutin. 'Yong pinili kong bitawan dahil mas masakit ang pananatili kaysa sa paglayo.
Hindi naman ako na-inform na ganito pala kahirap sa Senior High, walang mala-wattpad na istorya. Hindi pa ako prepared. Bukod sa mabigat bitbitin sa likuran ang patong-patong na gawain, wala ring nagsabi sa akin na susubukin ka pala talaga nito. 'Yong tipong pagod ka na kakabisado ng formula at mga batas, kahahanap ng participants sa research, at kaaayos sa mga booths tuwing may school events—dadagdag pa si universe na parang laging gustong iduldol sa pagmumukha ko na hindi naman ako kagalingan.
Sinubukan ko namang ipaglaban…
Walang palya ako sa pagre-review gabi-gabi. Kahit nga banas na banas na ko sa pag-aaral ng Algebra kasi hindi naman ako biniyayaan ni Lord ng talino sa Math, pinilit ko pa rin. Hindi ko na nga na-enjoy ang bakasyon ko dahil sabi ko sa sarili ko, kailangan kong gawin ‘to dahil para naman sa kaniya. Para naman sa pangarap kong UP. Para masigaw ko rin yung sikat na linya ni Kim Chiu na “Hello UP! Nandito na ko!”
Pero wala e, hindi pala talaga sapat yung nangangarap ka lang dahil sa reyalidad ng buhay, hindi lahat nabibigyan ng free admission sa pangarap nila. Hindi sapat yung pagsusumikap lang at pagma-manifest ng ‘UPCAT Passer Cutie' with matching sunflower emoji.
Tama nga si Carson at Dio, hindi lahat ng kwento ay nagtatapos sa kung ano ang dinidikta ng ating puso at kung paano natin ito gustong magtapos. Hindi natin pwedeng ipagpilitan ang hindi naman naging sa atin dahil umpisa pa lang, wala nang kasiguraduhan sa kung ano ang kahahantungan nito.
Ngunit sana'y 'wag mo rin makalimutan na may kalakasan sa pagbitaw kahit masakit, kahit labag sa kalooban, at kahit hindi ka handa. Kagaya ni Dio, hindi naman kasalanan ng UP kung hindi niya kayang suklian ang pagmamahal ko… ang pangarap ko.
Siguro sa susunod na buhay hindi na magagaya ang istorya ko kina Carson at Dio. Baka sakaling may happy ending na ako. Baka sa susunod hindi na hanggang pangarap lang ang UP. Na sa pagbukas ko ng resulta, malaking ‘Congratulations’ ang bubungad sa akin at hindi ‘Thank you.’ ‘Yong hindi na malabong mapasakamay ko ang sablay kahit na mahirap, kahit mukhang palyado.
Pero sa susunod na lang siguro…
Salamat na lang sa lahat, UP.
Written by Mirasol, Insight PH
Mirasol, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



