PANITIKAN | Si Choleng at Ang Siyam Niyang Buhay

c

civ, Insight PH

Author

3 min readAugust 14, 2026
PANITIKAN | Si Choleng at Ang Siyam Niyang Buhay

Ang sabi ni Lola, may siyam na buhay raw ang mga pusa. Napapaisip tuloy ako na baka mas marami silang alam na hindi alam ng mga tao. Tayo kasi ay iisang buhay lang ang ipinagkaloob. Walang pasobrang pagkakataon; limitado ang kakayahang magbago at umulit.

Kaya nangangapa tayo. Nagkakamali. Nasasaktan. At paulit-ulit na binubuo ang sarili gamit ang mga pirasong tayo rin ang nakabasag.

Hay, nakakainggit maging pusa.

Kung ako ay may siyam na buhay, ang una'y gugugulin ko sa pagtalon mula sa pinakamataas na talampas. Hihiramin ko ang mga pakpak ni Icarus at lilipad nang malapit sa araw upang malasap ko ang hagod ng dapithapon at maramdaman kong may narating ako kahit sa bingit ng init.

Sa ikalawa'y magmamahal ako. Hindi ko titipirin ang sarili sa pag-ibig, at hindi ko ipagkakait sa ibang tao ang mahalin sila. Magmamahal ako. Bubuo ng pamilya at mabubuhay bilang isang masayang ina sa piling ng kaniyang mga supling at maintindihing asawa.

Ngunit kung may ikatlo pa, luluwas ako sa pinakamalayong bayan. Magtatago ako at mamumuhay nang mag-isa. Magiging manunulat, magpipinta, at gagawa ng mga bestida. Magtatayo ako ng tindahan ng mga bulaklak katabi ng maliit kong panaderya. At kung puwede pa, magtuturo ako sa mga batang nasa tagong lugar nang libre upang maibahagi ko ang aking kaalaman mula sa nagdaan kong dalawang buhay.

Gusto ko namang magkamali sa ikaapat kong buhay. Hindi baleng paulit-ulit na madapa, mabuhay lang ako nang walang pagsisisi. Hindi ako matatakot sumubok. Susugal ako. Haharapin ko ang mundo kahit maliit na bahagi lamang ako nito.

Para naman sa mga magulang ko ang ikalima at ikaanim kong buhay. Babawi ako. Uubusin ko ang sarili ko at magpapakapagod para sa kanila. Hindi ko hihintayin ang takdang panahon. Hahawakan ko ang kanilang mga kamay at magtatago sa lilim ng kanilang mga yakap hanggang sa kanilang huling hininga.

Ang ikapito kong buhay ay para sa mga pangarap na hindi ko na tatalikuran. Magiging abogado ako. Ipaglalaban ko ang karapatan ng bayan nang walang hinihinging kapalit. Maglilingkod ako sa bansang matagal nang nilulugmok ng mga politikong hinihimay-himay ang lakas ng masa. Tatayo ako para sa bansang pinag-ugatan ng dugo at luha. Mamamatay akong may dignidad at bitbit ang katotohanang matagal nang tinalikuran ng kapangyarihan.

Magpapahinga naman ako sa ikawalo kong buhay. Kailangan ko iyon. Sa haba ba naman ng nilakbay ko, sa dami ng mga karanasang natamasa ko, at sa hirap ng mga pagsubok na kinaya ko, babagsak talaga ang katawan ko. Kaya magpapahinga ako hangga't gusto ko.

Bago ko pa man mapansin, hindi ko na mahanap ang ikasiyam kong buhay. Maliligaw ako ng landas. Mawawalan ako ng kabuluhan. Matutupok ang aking ilaw. Hindi ko maiintindihan kung bakit, sa nagdaang walong buhay, may kulang pa rin. At raramdamin ko iyon. Magpapakatotoo ako. Magpapakatao ako.

Sa huling bahagi ng ikasiyam kong buhay ay hindi na ako matatakot. Hindi na ako matatakot na piliin ang sarili ko. Hindi na ako matatakot na mabuhay. Tatayo ako mula sa marupok kong papag at hahagilapin ang saysay ng umaga. Hindi na ako mawawalan ng pag-asa habang nakaratay, na para bang ang kalahati ng aking katawan ay matagal nang nakaburol.

Totoo naman.

Pero, hindi na.

Hindi na ako matatakot na matapos ang buhay.

Masyado na akong busog sa mga pangarap kung kaya’y kaya ko nang magutom kasama ang mga taong pinipili kong mabuhay. Ayos na. Ayos na 'kong hanggang dito na lang din ang buhay ko. Kasi hindi naman ako pusa. Pero, sana. Sana, ‘no?

c

Written by civ, Insight PH

civ, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Literary

LLia Abellana, Insight PH

LITERARY | You Were My Idea of Tomorrow

There are people you lose even when they were never really yours to lose.I remember the time I wished, I hope I never lose you.I did ...

11 days ago 7 min read
JJanno, Insight PH

PANITIKAN | Bakit Diyos Pa Ang Kaagaw Ko?

Sa ngalan ng Ama at ng magiging anak sana nating dalawa…Paano ko ba uumpisahan 'to?Hindi naman kita ipinagdasal noon,du...

12 days ago 3 min read
AAaron Dave Mendina, Insight PH

LITERARY | I am who I am because I have always been loved by my English teachers

Once upon a time, there was a candle — wax aged, wick thinning, but eyes that never seemed to dim. And in her warm, reverent fire, fueled by love a...

15 days ago 6 min read
Explore all Literary articles