Simula nang ikaw ay nakita ko sa handaan ng aking kaarawan, ako ay nabighani sa iyong kasikigan at ka-gwapuhan. Tumibok nang napakabilis ang aking puso simula noon. Araw-araw kong sinusulat sa aking talaarawan ang bawat boses na nasa aking utak upang pakalmahin ang aking sarili sa tuwing tayo ay nagkakatitigan at magkadikit.
Kay tagal kitang hinihintay na magbalik sa ating tagpuan, ngunit hindi ka na bumalik dahil alam kong hindi ka kabilang sa panahon na mayroon kami. Ilang beses akong gumawa ng paraan upang magkasama na muli tayo, ngunit isa lang ang paraan na naiisip ko—ang sumamba sa kadiliman.
Alam kong maling mali ang ginawa ko, ngunit iyon lamang ang paraan upang magkasama na tayo habang-buhay. Isinuko ko ang kaluluwa ko kapalit ng isang kapangyarihang makapaglakbay sa bawat panahon, ngunit ang kapalit ay dugo ng mga inosenteng tao. Sa bawat panahon na aking napupuntahan, pabawas nang pabawas ang buhay na mayroon ako.
Sa bawat paglalakbay ko, unti-unting humihina ang aking katawan, nanlalabo ang aking mga mata, at humihina ang aking pandinig. Siguro, ito na ang parusang ipinataw ng kalangitan at ng mundo sa akin dahil sa paglalakbay ko sa bawat panahon para lang makita at magkasama tayo.
Handa akong suwayin ang batas ng mundo, makita lamang kita at makasama, handa akong pumatay ng mga inosenteng tao kapalit lamang ng pagsasama natin, at handa akong harapin ang kaparusahan at galit ng kalangitan sa kalapastangang aking nagawa, mahanap at makapiling lamang kita. Hindi ko kayang mawala ka sa aking piling, sapagkat ikaw na ang bumuhay sa puso kong bato, ikaw ang nagpapasaya sa malungkot kong buhay, at ikaw ang dahilan ng pagtibok ng puso ko.
Ngayon, ako ay malapit nang mamaalam, ngunit hindi pa rin kita matagpuan, subalit ayos lamang sapagkat iiwan ko itong liham para sa iyo sa aking hacienda nang sa gayon ay maibigay ito sa'yo ng susunod na henerasyon ng aking pamilya. Hindi man ako nag tagumpay na matagpuan ka, mananatili ang pagmamahal ko sa iyo at hindi kailanman malimutan ng aking isipan ang napaka kisig mong pagkatao at napaka gwapo mong pagmumukha. Mahal na mahal kita, aking iniirog, nawa ay maging masaya ka kasama ng iyong tunay na minamahal, hinding hindi ko makakalimutan sa taong nagpatibok ng aking puso at napangiti sa aking mga labi.
Written by Makoto, Insight PH
Makoto, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



