Sa bawat pagpindot ko ng mga letra sa teklado at sa bawat litratong ipinapaskil ko sa aking kuwento sa sosyal medya, may isang pangalan na hindi ko maisulat. Pinipili ko ang mga salitang kayang magtago—mga pangungusap na tila walang tinutukoy, ngunit lihim na umaasang may isang taong makauunawa.
Alas dose na ng madaling araw, patay na ang ilaw, ngunit nananatiling maliwanag ang aking selpon upang tingnan kung may maliit na berdeng bilog sa gilid ng iyong larawan. Isang patunay na ikaw ay nariyan, dilat pa ang mga mata, at kahit maaaring sa sandaling ito ay malapit sa akin. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay nasa iisang aplikasyon tayo, ngunit wala man lang nagsimula ng mensahe.
Naglalaho nang paunti-unti ang suot kong ngiti sa tuwing hindi ko nakikita ang inaasahan ko—mula sa kislap ng liwanag ng pananabik na pumupukaw sa dibdib, hanggang sa matalim na anino ng pagdududa na tila humahadlang sa bawat hininga. Ilang ulit ko ring pinapresko ang listahan ng mga tumingin. Sapagkat sa pagsapit ng dalawampu’t apat na oras, tuluyan na itong maglalaho.
Walang saysay ang mga pahiwatig kahit umabot pa sa higit isang daang tao ang makakita kung hindi ka naman kabilang sa kanila. Sadyang may mga kuwento na kahit kailan ay hindi para sa lahat—kundi para lamang sa isang taong maaaring hindi kailanman tumingin.
Marahil ay masyado ka lamang abala kaya’t hindi mo ito napapansin, o sadyang tahimik mo lamang itong nilalagpasan sa tuwing nakikita mo ang aking pangalan. Sino ba naman ako para umasa sa isang simbolong puso kung hindi mo naman ito nasisilayan?
At minsan ay may mga tanong na hindi ko kailanman malalaman ang sagot: paano kung nakita mo na ang lahat ng ito, ngunit pinili mo lamang na hindi pansinin?
Naiisip kong mas madali sanang banggitin ang iyong pangalan—isang simpleng pag-amin na ikaw ang tinutukoy ng bawat pahiwatig. Ngunit ano kaya ang mangyayari kung isang araw ay bigla mong maunawaan ang lahat—mapapangiti ka ba, mapapatahimik, o tuluyan na lamang lalayo?
Kaya’t pinipili kong manatili sa pagitan—sa mga salitang may kahulugan ngunit walang pangalan, sa mga pahiwatig na maaaring maunawaan, ngunit maaari ring malampasan.
Ang ironiyang isipin na sa napakalawak na mundo, sa maliit na parisukat ng aking kuwento lamang tayo nagkakaroon ng pagkakataong magtagpo—ikaw bilang isang pangalang maaaring dumaan, at ako bilang isang taong umaasang huminto ka kahit saglit.
Kung sakaling dumaan ka man sa aking kuwento at hindi mo pa rin nakilala ang sarili mo sa mga pahiwatig, marahil ay mananatili na lamang akong isang taong palihim na naghihintay na iyong mapansin kahit higit sa dalawampu’t apat na oras na ang lumipas.
Written by Kyla D. Feliciano, Insight PH
Kyla D. Feliciano, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



