PANITIKAN | Sa Lilim ng Hatinggabi

C

Czevie Sigue, Insight PH

Author

4 min readJanuary 5, 2026
PANITIKAN | Sa Lilim ng Hatinggabi

May lugar akong binabalikan tuwing ang mundo ay naliligo na sa dilim—isang espasyong hindi umiiral sa oras ng umaga, para bang nililinis ng araw ang lahat ng bakas nito. Hindi ko alam kung paano ko siya unang natagpuan. Wala namang nagturo, ngunit isang gabi, dinala ako ng mga paa ko sa isang kalyeng hindi kilala ng kahit anong mapa. Simula noon, dito na ako umuuwi. Sa unang tingin, wala naman kakaiba sa kanya. Para lang siyang isang tahimik na lansangan, o isang maduming bakuran, o isang espasyong hindi pa tapos isulat ng mundo, pero kapag nagdidilim na, nagsisimula na itong huminga na para bang may sariling pulso ang hangin rito sa ingat, at dalang mabigat na alaalang ayaw mapangalanan.

Sa araw, hindi ko kayang alalahanin ang eksaktong anyo niya, para siyang panaginip na kapag sinubukan mong ayusin ay lalo lamang lumalabo. Ang tanging naalalala ko lang ay ang pakiramdam, ito ay malamig at pamilyar na para bang matagal na akong naglalagi rito. Sa liwanag ay imposible siyang i-kwento, sa tuwing sinusubukan ko ay parang lumalabo ang memorya na para bang hinihila ng liwanag palayo sa katotohanan na sa kadiliman lamang ng gabi dumarating.

Doon sa lugar na iyon, may tunog ng yapak na hindi ko mahanap ang pinagmumulan. Hindi malakas at hindi nakagugulat, para lang ba may nanunang humakbang kaysa sa akin o kaya’y may humahabol na hindi ko kayang lingunin. May amoy ng lupa pagkatapos ng mahinang ambon kung saan ang halimuyak nito ay parang alaala ng isang bagay na sabay mong gustong balikan at takasan. May lamig na hindi ko alam kung galing sa hangin o sa presensiyang hindi ko masabing akin ngunit hindi ko rin maitanggi. Madalas, doon ako nakatayo nang matagal. Minsan, sa gilid ng isang gusaling hindi ko matukoy kung lumang paaralan ba o tahanang iniwan ng biglaan. Minsan, sa ilalim ng poste ng ilaw na alging mahina kahit ang kabilaan nito ay maliwanag na para bang pinipiling maging madilim ng bahaging aking pinupuntahan, na para bang alam niong may mga bagay na hindi para sa liwanag.

At hindi ko rin alam kung bakit sa gabi ko lang sila kaya harapin, siguro dahil sa liwanag, kailangan kong maging buo at matatag, may malinaw na lakad at ngiti, ngunit sa gabing iyon, sa lugar na iyon, pwede akong maging malabo, maging sirang bahagi ng sarili kong hindi ko maamin sa tao. Baka isa talaga siyang katawan—katawan ko—na sa tuwing gabi lang natutunan maglabas ng laman, o baka isang lihim na silid sa utak kong sa araw ay pinipilit kong isara ng mariin, ngunit hinfi mapigilang bumukas sa gabi dulot ng mga kwentong walang kamatayan.

Sa kung anong dahilan, hindi ko kayang itanggi na mas kilala ako ng lugar na iyon kaysa sa sinuman. Kapag naroon ako, ramdam kong hinahaplos ako ng mga bagay na hindi ko kayang tapusin. At kapag nag-uumaga ay para akong hinihila palabas, nilalayo ang mga palad ko sa bisagra ng pintong iyon. Minsan ay nararamdaman ko pa ang kirot ng pagbitaw at sa sandaling tuluyang bumukas ang liwanag ay nawawala siya, nagiging blanko na parang usok na tinangay ng mga sinag ng araw. Para bang nag-ingay sa isang silid na hindi ko matandaang binuksan ko. Pero gabi gabi, sa tuwing bumabalik ako ay naroon siya, hindi ko alam kung bakit, paano, o hanggang kailan ito mananatili roon. Ang tanging alam ko lamang ay may mga lugar na hindi kailangang pangalanan sapagkat hindi ito para sa malakas na mata ng araw at may mga sarili rin na tanging sa ganitong dilim mo kayang kilalanin. Siguro iyon ang tunay na dahilan kung bakit bumabalik ako, hindi dahil malungkot ang lugar na iyon, kundi dahil sa dami ng mundong nagpapanggap sa araw, doon lamang ako nagiging totoo.

C

Written by Czevie Sigue, Insight PH

Czevie Sigue, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Literary

LLia Abellana, Insight PH

LITERARY | You Were My Idea of Tomorrow

There are people you lose even when they were never really yours to lose.I remember the time I wished, I hope I never lose you.I did ...

11 days ago 7 min read
JJanno, Insight PH

PANITIKAN | Bakit Diyos Pa Ang Kaagaw Ko?

Sa ngalan ng Ama at ng magiging anak sana nating dalawa…Paano ko ba uumpisahan 'to?Hindi naman kita ipinagdasal noon,du...

12 days ago 3 min read
AAaron Dave Mendina, Insight PH

LITERARY | I am who I am because I have always been loved by my English teachers

Once upon a time, there was a candle — wax aged, wick thinning, but eyes that never seemed to dim. And in her warm, reverent fire, fueled by love a...

15 days ago 6 min read
Explore all Literary articles