Lumaki akong naniniwala
na may katumbas ang lahat ng mahalaga—
may presyo ang pangarap,
may sukli ang pagod,
may balik ang bawat ibinibigay.
Na kung magsusumikap ka lang,
kung magtitiis ka nang sapat,
darating din ang pinapangarap mo.
Kaya nag-ipon ako—
ng oras, at lakas,
ng mga gabing pinilit kong matulog
kahit umiikot sa isipan ko
ay ang pangalan mo.
Nag-ipon ako ng lakas
para sa bawat pagkakataong
kailangan kong ngumiti
kahit durog na ang loob ko.
Nag-ipon ako ng sarili—
binuo ko ang bawat kakulangan,
tinakpan ko ang bawat bitak,
tinuruan kong manahimik sa sakit
para lang masabi nilang “karapat-dapat” din ako.
Para lang, kahit minsan,
may tumingin sa akin
at sabihing “ikaw naman.”
Pero sa bawat paglapit ko,
ako ang unang nauubos.
Sa bawat paghawak ko,
ako ang unang binibitawan.
Ako ang laging nandiyan—
pero kailanman, hindi ang pinipili.
Pinag-aralan ko ang pagmamahal
na parang asignaturang kailangang ipasa—
inaalala ko ang gusto nila,
inaayon ko ang sarili ko sa pangangailangan nila,
binibigay ko ang lahat
kahit sa akin ay wala nang natitira.
Sa dulo, ako pa rin ang mali.
Ako pa rin ang kulang.
Ako pa rin ang “hindi sapat.”
May mga gabing tinatanong ko ang sarili
kung saan ba ako nagkulang—
sa pag-intindi ba nang sobra,
o sa pagbibigay na sa aki’y wala nang natitira?
Sa pagiging totoo ba,
o sa pananatili kahit hindi na tama?
Kasi kahit anong gawin ko,
parang ako ang laging huli—
ang laging reserba,
ang laging “pwede na”
pero hindi kailanman naging “ikaw talaga.”
Unti-unti kong naramdaman
kung paano maubos ang isang tao
kahit hindi siya umaalis.
Kung paano mawalan ng laman ang puso
kahit tumitibok naman ito ng mabilis.
At ngayon, heto ako—
hawak ang lahat ng inipon ko:
mga pangakong napako,
mga pangarap na nagtago,
at pagmamahal na ang nakakaramdam lang ay ako.
Wala akong napala—
walang bumalik,
walang nanatili,
walang nagsabing sapat na ako.
Kaya marahil mali ako sa simula pa lang—
marahil hindi pala minamadali ang pagmamahal.
Marahil hindi pala ito kayang paghirapan,
hindi kayang suyuin,
hindi kayang pilitin.
Pero kung ganon,
bakit ako ang kailangang maubos para lang maintindihan ‘yon?
Kaya heto na lang ang tanong ko—
hindi na sa iba, kundi sa hangin, “Magkano ba kasi ang tunay na pagmamahal?
Pag-iipunan ko, pangako.”
Written by John Benedict N. Banday, Insight PH
John Benedict N. Banday, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



