Tahimik ang paligid, ngunit hindi ito payapang katahimikan. Ito'y katahimikang parang bibig na tinahi ng karayom ng takot, parang lalamunang nilagyan ng kandado ng kapangyarihan. Ang tanging naririnig ng madla ay ang mabibigat na paghinga ng kanilang mga katabi—mga hiningang may halong pangamba.
Parang ang buong bayan ay isang dibdib na pinipilit pigilan ang paghinga, naghihintay kung may maglalakas-loob bang sumigaw.
Matagal silang naghintay. Tiniis nila ang maalinsangang hangin, ang pawis na bumabagtas sa kanilang batok, at ang oras na tila sadyang mabagal gumalaw. Hanggang sa ang pulang telon sa kanilang harapan ay unti-unting bumukas. Mula sa likod nito, lumitaw ang isang lalaki—si Juan Dela Cruz.
Barong Tagalog ang kaniyang suot—lukot ngunit marangal. Suot niya pa'y itim na pantalon at salakot na tila ilang ulit nang nasikatan ng araw at binayo ng ulan. Sa kaniyang kamay ay isang lumang mikropono—maalikabok, kalawangin, wari'y matagal nang itinago sa baul ng mga tinig na pinatahimik. Itinaas niya ang mikropono, at sa unang pagbuga ng kaniyang tinig ay tila may salaming nabasag sa hangin.
Sumigaw siya hindi upang manakot—kundi upang gisingin ang mga natutulog na konsensya at buksan ang mga pinto ng katotohanang matagal nang kinandado. Hindi upang maghasik ng kaguluhan—kundi upang basagin ang nakabibinging katahimikan.
Ang kaniyang mga salita ay parang martilyong tumatama sa pader ng kasinungalingan na pumupukpok sa matagal nang nakatayong moog ng panlilinlang.
Ngunit sa gitna ng kaniyang pagsasalita, may aninong gumalaw mula sa likod ng entablado.
Isang lalaki ang lumabas—nakabarong din, ngunit ang tela'y mamahalin, halos kumikislap sa liwanag. Ang kaniyang sapatos ay makintab, tila hindi kailanman nadungisan ng putik sa lansangan. Sa kaniyang mga daliri ay kumikislap ang gintong singsing, at sa leeg ay nakasabit ang makapal na kuwintas na parang tanikalang gawa sa kapangyarihan.
Lumapit siya kay Juan, at sa isang iglap ay pinutol ang daloy ng kaniyang tinig.
"Oh, Juan! Manahimik ka nalang!"
Ang kaniyang boses ay parang utos na nagmumula sa isang mataas na tore—malamig, mabigat, at puno ng pagmamataas.
"Wala namang saysay ang iyong mga pinagsasabi. Puro pamumulitika lamang ang dumadaloy sa lamog mong mga labi."
Napakunot ang noo ng madla.
Sapagkat ang lalaking nagsalita ay walang iba kundi ang taong kanilang tinawag na lider—ang taong minsang nangakong magiging boses ng bayan. Ngunit sa sandaling iyon, tila nahubad ang maskara ng kaniyang pangako.
Dahil ang tunay niyang minamahal ay hindi ang tinig ng bayan—kundi ang katahimikan ng bayan.
Ang katahimikang hindi nagtatanong. Ang katahimikang hindi tumututol. Ang katahimikang parang ibong pinutulan ng pakpak upang hindi na muling makalipad.
At sa tuwing may Juan na maglalakas-loob magsalita, agad nilang sinisikap takpan ang mikropono—parang kamay na sumasakal sa leeg ng katotohanan.
Ngunit hindi umatras si Juan. Hindi siya nagpatinag sa kinang ng ginto. Hindi siya nagpatakot sa anino ng kapangyarihan.
Muli niyang itinaas ang lumang mikropono—parang isang sulo sa gitna ng madilim na kuweba. Hinarap niya ang madla, at sa kaniyang mga mata ay makikita ang apoy ng isang katotohanang matagal nang pinipilit ikulong.
Hindi dahil hindi siya natatakot. Hindi dahil hindi siya napapagod. Kundi dahil alam niyang sapat na ang pananahimik. Sapat na ang mga katotohanang ikinadena sa ilalim ng entablado. Sapat na ang mga tinig na pinilit ikulong sa pagitan ng mga pahina ng sensura. At dahil alam ni Juan na kailanman hindi naging mapagpalaya ang katahimikan.
Kaya muling nagsalita si Juan. Sapagkat ang katotohanan—kahit ilang ulit patahimikin—ay parang apoy sa tuyong damo. Maaaring apakan, maaaring takpan. Ngunit sa sandaling may isang taong maglakas-loob magsindi ng munting apoy—ang buong kapatagan ng katahimikan ay muling magliliyab.
Written by John Benedict N. Banday, Insight PH
John Benedict N. Banday, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



