Sa sandaling lisanin ko ang mundo saan naman kaya ako patutungo?
Marahil ito na nga ang parusa ng kataas-taasan, ang bulagin ako sa likod ng pinto, iharap sa salamin ng kahihiyang ka’y tagal ko nang kinikimkim at paglaruan ng mga katanungang walang kasagutan.
Dito, hinihimay ko ang aking kaluluwa, pinupunit ang bawat basahang nakikita at sinusumbat kung bakit pinaglalaruan ako ng tadhana, habang tinatanong sa sariling repleksyon bakit ako pa ang kailangang makaranas ng ganitong sitwasyon.
Dito namamayapa ang pagod kung puso, nagsisilbing panakas sa bawat tukso sapagkat tinatawag nilang comfort room ang espasyong ito, hindi dahil dito ako nakakatagpo ng kapayapaan, kundi dahil dito lang ako may laya na mawasak nang walang nakakakita.
Sa huli, hindi ko na kailangan pang itanong kung saan nanaman ako ikukulong, sapagkat sa likod ng mundong ito may natatanging ako, mismong sarili ang nagkukubli matakasan lamang ang mga pangyayari, at sa bawat panghihimasok sarili'y pilit na iniluluklok, sa apat na sulok umiikot ang aking paghihimutok.
Doon, pwedeng huminto ang oras, pwedeng pumatak ang luha, pwedeng maging "totoo" nang hindi nababahala, at higit sa lahat hubaran ka man ng tadhana walang kahit na sino mang mata ang makakapanghusga.
Written by Geboy Maghanoy, Insight PH
Geboy Maghanoy, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



