Hindi ako naging muse sa likod ng iyong mga litrato—nandoon lamang sa gilid ang aking anino, tahimik na naghinihintay ng himalang may tatawag sa aking pangalan. Tila nakangiti ang langit tuwing sumisikat ang araw at humahabi ng asul na ulap, wari’y may lihim itong pinagdiriwang na hindi ko kailanman malalaman. Ang muse mong kumukurba ang pisngi sa pagngiti ang siya ring nakikita ng mga mata; nagkukulay-kayumanggi na ang kaniyang mga mata sa marang paghalik ng sinag. Pinturang abo ba ng ulap at ulan ang dala ko, kaya hindi mo ako magawang kuhaan—o sadyang hindi ako ipininta sa paleta ng iyong paghanga?
Hindi ba ako bagay sa museong puno ng mga larawang minahal mo, sa bulwagang ang bawat dingding ay nakasabit ang mga sandaling pinili mong alalahanin?
Minsan akong nasilayan ng iyong lente; nakuhaan mo ako, ngunit agad mo rin itong binura, at sa isang kisap na iyon ay wari bang may piraso ng aking pag-asa ang napigtal. Sapat na marahil iyon na pahiwatig na ako’y hindi nababagay sa iyong museo, sapagkat hindi mo gugustuhing ipaskil ang larawang hindi mo naman iniibig. Sino nga ba ang mag-aaksaya ng titig kung kahit dalawa ang iyong mga mata ay wala ni-isa ang nagtangkang naisin ako, kung ang tingin mo’y laging lumalampas sa aking anyo na para bang ako’y hangin lamang na nadaraanan ngunit hindi hinahawakan?
Kinakailangan ko pang maglabas ng salapi mula sa butas na bulsa upang bayaran ang maniniyot sa Luneta, upang kahit paano’y magkaroon ako ng larawang magpapatunay na minsan akong naging karapat-dapat masulyapan. Hindi maaaring gamitin ang iyong kamera kahit sandali sapagkat kinukuhaan mo na siya, at ang bawat pindot mo ng gatilyo ay tila kumpirmasyong hindi ako kabilang sa iyong mga pinipiling itabi. May dalawang biloy naman tuwing kumukurba ang aking pisngi sa pagngiti—mga munting buwan na sumisilip sa aking mukha—kulang pa ba iyon upang angkinin ko ang lente mo kahit isang sandali, kahit isang iglap lamang na ako naman ang maging liwanag sa loob ng iyong larawan?
Marahil kung dumating ang sandaling mapagod ang iyong mga daliri sa pagpindot ng gatilyo at ang iyong mga mata’y magsawa sa pamilyar na liwanag na lagi mong hinahabol, saka mo mapansin na may isang aninong matagal nang nakapwesto sa gilid ng iyong tanawin—hindi gumagalaw, hindi humihingi ng pansin, kundi matiyagang naghihintay na matawag. Sapagkat ako’y nanatili roon, hindi upang makipag-agawan sa kaniyang kinang, kundi upang patunayan sa sarili kong kaya kong manatili kahit hindi napipili, kaya kong ngumiti kahit hindi kinukuhanan.
At kung pagkatapos noon ay muli mo akong kalimutan, ito ay ayos lamang sapagkat karangalan ang iyong masilayan. Ang isang iglap na nasilayan ng iyong lente ay higit na kaysa sa libong sandaling hindi man lamang ako nasilayan. Sa mundong ikaw ang maniniyot at ako ang tanawin, natutuhan kong may mga larawang hindi kailanman isinasabit sa dingding, ngunit nananatiling buhay sa ala-ala—mga larawang kopya, walang bakas, at tanging sa puso lamang nabuo.
Written by Kyla D. Feliciano, Insight PH
Kyla D. Feliciano, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



