Ma, bakit ako na lang palagi?
Pa, bakit hindi mo ako kayang ipagtanggol kay Mama?
Sa bawat oras na iniisip ko kung nakikita ba ninyo ang lahat ng aking ginagawa—
lahat ng pagsisikap kong patunay na ang bawat sakripisyong inialay ninyo ay unti-unti kong binabayaran—
doon ko lang napagtanto na para sa inyo,
hindi pa rin pala iyon sapat.
Na ang lahat ng ibinibigay ko,
ay kulang pa rin kumpara sa mga isinuko ninyo para sa amin.
Ma, bakit sa tuwing ako’y natatakot,
lagi mong iniisip na mahina akong harapin ang katotohanan?
Bakit ang hina ko lang ang nakikita mo,
at hindi ang tapang kong pilit binubuo araw-araw?
Akala ko makikita mo ang bigat ng aking pinapasan.
Akala ko aabutin mo ang kamay kong nanginginig.
Akala ko tutulungan mo akong unawain
ang mga bagay na hirap na hirap na akong dalhin.
Ngunit ang natagpuan ko
ay mga salitang mas masakit pa
Kaysa sa pananahimik.
Pa, bakit palagi kang wala—
kahit naririto ka na?
Ang hapag-kainan ay puno,
ngunit may puwang na hindi mapunan.
Isang upuan laging bakante,
Ikaw pa rin hinihintay.
Umuuwing pagod ang iyong katawan,
ngunit kay Mama mo ibinabagsak
ang iyong galit at pagod na bitbit mo.
At si Mama naman,
sa amin ibinubuhos
ang sakit na kanyang dinadala.
Kami ang sumasalo.
Kami ang natutong manahimik.
At ako—
ang panganay ninyong anak—
tahimik na nilulunok ang lahat.
Paano ko itatago ang katotohanan
sa aking mga kapatid
nang hindi guguho
ang mundong binuo ninyo para sa kanila?
Paano ko sasabihin sa aking mga kapatid
na mahal niyo pa rin kaming mga anak,
kung gabi-gabi naming nararamdaman na may kulang?
Noon, takot ako sa dilim.
Ngayon, ang dilim na ang aking tahanan.
Written by Deiyá, Insight PH
Deiyá, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



