PANITIKAN | Katawang Nananatili

C

Czevie Sigue, Insight PH

Author

4 min readNovember 29, 2025
PANITIKAN | Katawang Nananatili

Ang katawan,

parang lupa matapos ang unos,

tila tahimik ngunit sa ilalim,

may sugat pang naglalangib.

Ayon sa American Psychiatric Association (2013), ang Post-Traumatic Stress Disorder (PTSD) ay isang karamdaman sa pag-iisip na nagaganap matapos maranasan o masaksihan ang isang traumatic na pangyayari tulad ng digmaan, aksidente, sakuna, o pang-aabuso. Dagdag pa rito, mula sa mga pag-aaral, ipinakita na ang PTSD ay nagdudulot ng pagbabago sa istruktura ng utak, partikular sa amygdala, hippocampus, at prefrontal cortex. Ang amygdala ay nagiging sobrang aktibo, dahilan ng matinding takot; ang hippocampus naman ay humihina, kaya’t nagiging magulo ang memorya; at ang prefrontal cortex ay nawawalan ng kakayahang mag-regulate ng emosyon. Dahil dito, kahit tapos na ang pangyayari, ang katawan ay nananatiling nakakulong sa estado ng “panganib.”

May tunog na paulit-ulit,

Kahit patay na ang plaka.

Nagbabalik nang walang paalam,

Ang tinig ng mga alaala.

Sa bawat pintig ng ugat,

May paalala ng sandaling nawala.

Tahimik ang paligid, ngunit sa loob,

May mga tunog na hindi marunong magpahinga.

Ayon naman sa Institute of Mental Health (2023), ang mga sintomas ng PTSD ay karaniwang nahahati sa apat na kategorya: re-experiencing symptoms, avoidance symptoms, arousal and reactivity symptoms, at cognition and mood symptoms. Sa kategoryang re-experiencing symptoms, ang indibidwal ay muling nakakaranas ng trauma sa pamamagitan ng mga bangungot, flashbacks, o biglaang pagbabalik ng emosyonal na sakit. Samantala, sa avoidance symptoms naman, ang indibidwal ay umiiwas sa mga tao, lugar, o sitwasyong nagpapaalala sa traumatic na karanasan na kadalasan ay nmagreresulta sa paglayo sa lipunan at pagkawala ng interes sa dating mga gawain. Sa arousal at reactivity symptoms, ang katawan ay nananatiling tensyonado at alerto na nagdudulot ng hirap sa pagtulog, pagiging iritable, at madalas na pagkagulat kahit sa maliit na tunog o galaw. At panghuli, sa cognition and mood symptoms, nagkakaroon ng negatibong pananaw ang indibidwal sa sarili at sa mundo kung saan nawawala ng tiwala sa ibang tao at madalas ay nakararamdam ng labis na galit o kahihiyan sa nangyari.

At ganun na nga, ang mga sintomas na ito ay maaaring tumagal ng ilang buwan at taon, at sa ibang tao ay nagkakaroon ng “delayed onset” kung saan lumilitaw lamang ang sintomas makalipas ang ilang buwan o taon matapos ang pangyayari. Dahil dito, mahirap matukoy ang kondisyon lalo na sa mga taong tila “maayos” sa panlabas ngunit unti-unti nang nilalamon ng alaala sa loob.

Sabi nila, tapos na ang lahat.

Ngunit paano kung ang utak ay nanatiling gising,

At ang katawan ay ayaw maniwala?

Ang mga kamay ko’y nanginginig pa rin

Kahit wala nang dapat hawakan,

Ang dibdib ko’y kumakabog

Kahit wala na ang panganib na darating

Bawat hininga ay nagsasabing lumaban ka

Kahit ang digmaan ay lumipas ng ilang taon na.

Ang paggamot sa PTSD batay sa World Health Organization (2021) ay karaniwang isinasagawa sa pamamagitan ng psychotherapy at pharmacotherapy. Isa sa mga pangunahing uri ng psychotherapy ay ang Cognitive Behavioral Therapy (CBT) kung saan tinuturuan ang pasyente na baguhin ang pattern ng pag-iisip na nagdudulot ng takot o pagkabalisa. Sa pamamagitan ng proseso ng pagharap at muling pag-unawa sa trauma natutulungan ang pasyente na mapanatag ang katawan at isipan. Bukod pa rito, ginagamit din ang mga gamot gaya ng Selective Serotonin Reuptake Inhibitors (SSRIs) upang tulungan ang utak na balansehin ang mga kemikal na may kinalaman sa emosyon at stress.

Gayunpaman, binibigyang-diin ng WHO na walang iisang lunas para sa PTSD sapagkat ang proseso ng paggaling ay nakadepende sa lalim ng karanasan, suporta ng komunidad, at kakayahang harapin ang nakaraan.

Unti-unti kong tinuturuan

Ang aking sarili na huminga ng buo,

Na umidlip nang walang takot,

At yakapin ang umaga

Nang walang mabigat na anino sa likod.

Hindi ko man alam kung kailan ito titigil,

Kung kailan maniniwala ang katawan

Na ang pintig ng puso

Ay hindi na senyales ng panganib,

Kundi isang paalala na ako’y buhay pa.

C

Written by Czevie Sigue, Insight PH

Czevie Sigue, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Literary

LLia Abellana, Insight PH

LITERARY | You Were My Idea of Tomorrow

There are people you lose even when they were never really yours to lose.I remember the time I wished, I hope I never lose you.I did ...

11 days ago 7 min read
JJanno, Insight PH

PANITIKAN | Bakit Diyos Pa Ang Kaagaw Ko?

Sa ngalan ng Ama at ng magiging anak sana nating dalawa…Paano ko ba uumpisahan 'to?Hindi naman kita ipinagdasal noon,du...

12 days ago 3 min read
AAaron Dave Mendina, Insight PH

LITERARY | I am who I am because I have always been loved by my English teachers

Once upon a time, there was a candle — wax aged, wick thinning, but eyes that never seemed to dim. And in her warm, reverent fire, fueled by love a...

15 days ago 6 min read
Explore all Literary articles