Biyernes ng umaga…
Maaga akong naligo kahit pa nanginginig na sa lamig ng tubig. Halos hindi ko na malunok ang kinakain ko dahil sa isip-isip ko, “Ito na ang araw na ‘yon.” Nae-excite na ako pero mas dinaig ng takot at kaba ang dibdib ko kaya bago pa makapunta sa awarding, nanlalambot na ang tuhod ko.
Sumakay na kami sa van. Kagaya ng mga kasamahan ko, tahimik din ang lahat. Halatang kinakabahan. Taimtim na nananalangin na sana ay makapasok sa NSPC. Sino ba namang kasing hindi nangarap dito, ‘di ba? Lahat yata ng mamamahayag na kilala ko ay “NSPC” ang isasagot sa tanong na “Ano ang wish mo?”
Nakarating na kami sa venue. Malaki ang school, pero nagmukha itong maliit sa dami ng mga nasa loob. Mga mukhang kinakabahan din, puro sila namumutla na animo’y nakakita ng multo. Kabilaan na ang naririnig kong encouragement words, parang mga bubuyog na panay ang bulong.
“Kaya mo ‘yan”
“Mananalo ka”
“You did well”
May ilan namang nagrereklamo sa binigay na topic ng judge dahil unexpected daw. At may iilan namang pasuko na sa pag-aabang sa announcement.
Hindi nagtagal, may nagsalita na sa mikropono. Tilian kaagad ang lahat. Akala mo mga nakawala sa hawla. Tahimik lang akong nakinig. Hindi na masyadong umaasa, pero nakaukit pa rin sa dibdib ko ang salitang “sana.”
Pumalakpak ako sa lahat ng nanalo, kilala ko man o hindi. Nakita ko kung gaano sila kasaya kasama ang coach nila habang tumatakbo paakyat ng entablado.
Sana ako rin…
Natapos na ang pagsulat ng lathalain. Natapos na rin ang sa pagsulat ng balita. Nanginginig na ang kalamnan ko pero pinili ko ang kumalma kahit pa sa isip ko ay gusto ko na lamang tumakas. Nang tinawag na ang kategorya ko, pakiramdam ko binuhusan ako ng malamig na tubig. Tahimik akong nakinig.
Fifth place, hindi ako.
Fourth place hindi rin ako.
Third, second… wala pa rin.
Huminga ako nang malalim. Baka ako na ‘to. Champion na siguro.
Pero hindi…
Narinig ko ang sigawan ng pagkapanalo. Hindi ng mga kasama ko, pero ng kabilang eskuwelahan. Siya pala ang panalo, akala ko ako. Pero masisisi ba nila ako kung nag-asam ako na ako naman sa pagkakataong ito?
Sa ikalawang pagkakataon, bigo na naman akong makatuntong sa NSPC. Kabilang na naman ako sa mga “gang RSPC” lang. Yung mga muntikan na, pero kinulang pa rin. Habambuhay na hanggang “multo” na lang.
Tumingin sila sa'kin. Siguro hinihintay kung ano ang magiging reaksiyon ko. Tumingin din ako sa mga mukha ng mga taong naging tahanan ko na sa ilang taon.
Last ko na ‘to.
Wala nang susunod.
Wala nang “bawi na lang next presscon.”
Masakit na muling hindi makatuntong sa NSPC, pero mas masakit pa lang malaman na hindi ko na sila makakasama sa susunod. Ang mga nawala, mapapalitan ng mga bago. May mga darating muli, pero wala na ako.
Napuno lang ng mga “sana” ang isip ko.
Sana mas ginalingan ko.
Sana mas sineryoso ko.
At sana…
Sana mas maaga kong minahal ang pamamahayag.
Ngunit naalala ko na sa kabila ng mga pagkatalo ko, nandiyan naman sila para pakalmahin ako. Na sa kabila ng mga pagdududa ko, paulit-ulit nilang babanggitin ang mga salitang “proud ako sa'yo.”
Doon ko lang napagtanto na may mga multo palang hindi dapat kinakatakutan. Ang iba, minamahal. Yinayakap. Hinahaplos. At tinatanggap. Masakit, pero ito ang bumuo bilang “ako.” Maikli man ang naging pagsasama namin, pero ito ang pinakamasayang alaala ko bilang isang highschool student.
Written by Arianne Jhayne, Insight PH
Arianne Jhayne, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



