PANITIKAN | Huling Amen

A

Arianne Jhayne, Insight PH

Author

5 min readNovember 10, 2025
PANITIKAN | Huling Amen
“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng espirito-santo, magpasawalang-hanggan. Amen.”

Sabay-sabay na usal ng mga tao sa loob ng simbahan. Ang iba’y nakaluhod habang mariing nakapikit naman ang iba. Unti-unti akong naglakad papunta rito kahit pa tila napapaso’t nasusunog na ang aking balat. Masakit ma’y pinilit kong pumasok dito upang muling humingi ng saklolo sa Kaniya.

Ginahasa ako.
Pinaglaruan.
Binaboy… ng sarili kong ama.

Hindi ito ang unang pagkakataon. Paulit-ulit ang pananamantalang ginawa sa'kin tuwing wala sila Nanay o kaya nama’y tulog na ang lahat. Tiniis ko ang bawat haplos, bawat halik, at bawat pagbaon nito sa'king pagkababae. Ilang beses mang maligo ay tila naiwan na ang marka nitong kababuyang tinitiis sa bawat paglubog ng araw.

Napaluhod ako sa harap ng altar dala-dala ang sanggol na nabuo sa isang kasalanan. Walang ibang nakakaalam sa batang nasa sinapupunan ko kundi ako lamang. Sikretong iniingatan kong mabunyag sa takot na ako’y pandirihan. Nagmakaawa ako sa Kaniyang tulungan ako mula sa pagkakalunod—na muli Niyang hawakan ang aking mga kamay at ibangon ako mula sa kadiliman.

Paglabas ko ng simbahan ay nakasalubong ko naman ang isang babaeng sa tantiya ko ay nasa trenta anyos na. Maputi ito. Bilugan ang mga mata’t may maliwanag na aura. Matagal itong tumitig sa'kin bago dumako ang tingin sa tiyan ko. Alam kong alam na nito sa pagkakataong iyon ang tinatago kong sikreto. Malamang sa malamang dahil pansin na ang kaunting ulbok sa aking tiyan.

“Hindi Siya ang Diyos na dapat hingan mo ng tulong…”

Bulong nito sa'king tenga bago naglakad papalayo na parang walang nangyari. Nangilabot ako ngunit ipinagsawalang-bahala ko na lamang sa pag-aakalang baliw ito.

Lumipas ang mga araw at naging siklo na ang mga sumunod na pangyayari. Gagalawin tuwing hatinggabi. Gigising sa umaga na masakit ang pagitan ng hita. Pupunta sa simbahan upang humingi ng tulong sa Maykapal. At makikita ang babaeng nakasuot ng itim na belo sa ulo.

Hanggang sa isang araw, napagod na lamang ako kakabulong ng dasal, kakaasam sa pag-asang marahil ay guni-guni ko na lang. Pero sa sandaling handa na akong bitawan ang lahat, kinausap ako ng babae. Pinakinggan niya ako at pakiramdam ko, sa unang pagkakatao’y may nakakita at nakaunawa sa dinadala kong bigat.

Magmula noon ay palagi na akong isinasama nito sa kanilang munting baryo na medyo may kalayuan sa aming bayan. Maliit lamang ito ngunit mainit akong niyakap ng mga tao roon upang magbigay pugay sa mga biyayang natanggap nila.

Hanggang sa isang araw ay inaya na rin nila akong sumama sa kanilang samahan. Ipinangako nilang ang ‘Diyos’ na sinasamba nila’y hindi kagaya ng sa'king inabandona ako sa gitna ng dilim. Dala ng lungkot at labis na problema, bumigay na ang aking pananampalataya at tuluyang umanib sa kanila.

Natandaan ko na ang gawain nila tuwing araw ng Linggo. Magsusuot ng puting damit. Magbibigay ng sampaguita sa aming Diyos. At mag-aalay ng dugo’t laman loob ng isang patay na hayop. Tanda ko pa noong pinagbawalan nila akong manood sa paghahandog ng mga ito dahil sabi nila, bawal daw na buntis ang makakita nito. Maaari lang akong makadalo kung dumating na ang panahon sa paglitaw ng pulang araw.

Lumipas ang ilang buwan at tuluyan na ngang sumapit ang pulang araw. Makikita ko na ang aming ‘Diyos’ at masasaksihan ang banal na pag-aalay. Narinig ko ang iyak mula sa ‘di kalayuan, malamang ay muli na naman silang nagkakatay ng pang-alay.

Hindi nagtagal ay lumapit na rin sa'kin ang ibang taga-baryo. Binihisan ako nito ng puting damit at nilagyan ng mga bulaklak sa ulo na nagsilbing korona ko. Pinahiran ako ng dugo sa noo upang magsilbing sagisag ng pagiging ‘isang ganap na kaanib ng kulto’ sa araw na ‘yon. Pagkatapos bihisa’y naglakad na kami papunta sa tahanan ng aming Diyos. Madilim dito, tanging apoy lamang ang nagsisilbing liwanag sa lugar. Paakyat kami sa bundok, hawak-hawak nila ako sa magkabilang kamay nang matanaw na ang silungang sinasabi nilang tirahan ng aming Panginoon.

Pagkarating sa tahanan ng Diyos o ang tinatawag nilang paraiso, naramdaman ko ang pagkakaluwag ng kapit nila sa'king pulso. Pinapasok nila ako sa silid at doon nakita ko ang isang babaeng may mala-nyebe sa puting kutis. Mukha itong anghel, maamo ang mukha, at talaga namang kaakit-akit. Tumingin ito sa'kin at ngumiti bago tuluyang pahigain sa kama. Ipinikit ko nang mariin ang aking mga mata gaya ng sinabi nito habang pinapakinggan ang inuusal niyang dasal sa ibang lenggwaheng hindi ko maintindihan. Maya-maya lang narinig ko na ang tila paghugot ng matalim na bagay mula sa kung saan, dumilat ako kasabay ng paghiwa nito sa aking tiyan. Napasigaw ako sa sakit sabay biglang tumayo. Sa isang iglap lang ay nagbago ay mistulang anghel nitong anyo at nanlilisik na tumingin sa'kin na parang anong oras ay handa akong paslangin.

“Isa kang hangal. Isang suwail na anak. Hindi ba’t sinabihan kitang huwag tatayo sa pagkakahiga? Parte ng pagiging kasapi ng aming kulto ang pag-aalay sa sanggol na nasa sinapupunan mo. Akala mo ba’y ganoon lang kadali makapasok sa baryo namin? Lahat ng tao rito ay buong loob na inialay ang kanilang mga anak… kinatay ang mga ito’t itinapat sa sinag ng pulang buwan ang katawan-”

Hindi ko na pinatapos pa ang sinasabi nito at mabilis na kumaripas ng takbo papalayo sa gubat. Hawak-hawak ang tumutulong dugo sa'king tiyan, humiling ako na sana’y makalayo kami sa impyernong inakala kong langit na pala.

Nagtago ako sa damuhan at sumandal sa may puno na hinihingal-hingal pa. Pumikit ako at pinagdikit ang dalawang palad ko. Sa huling pagkakataon, muli akong nagdasal sa Panginoon—ang tunay na Diyos sa itaas. Humingi ako ng kapatawaran sa pagtalikod at pagtaboy sa Kaniya.

Marahil ay parusa ito ng langit sa kalapastanganang ginawa ko. Sa pagyakap ko sa dilim. Sa pagsamba sa masama. At sa pagpapasakop sa mga demonyong nagbabalat-kayong anghel.

Siguro nga huli na para magbalik-loob sa Kaniya Dahil ang mga suwail na anak, hanggang huling hininga’y sinisingil sila.

“Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng espirito-santo, tanggap kong ito na ang aking katapusan. Amen.”
A

Written by Arianne Jhayne, Insight PH

Arianne Jhayne, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Literary

LLia Abellana, Insight PH

LITERARY | You Were My Idea of Tomorrow

There are people you lose even when they were never really yours to lose.I remember the time I wished, I hope I never lose you.I did ...

11 days ago 7 min read
JJanno, Insight PH

PANITIKAN | Bakit Diyos Pa Ang Kaagaw Ko?

Sa ngalan ng Ama at ng magiging anak sana nating dalawa…Paano ko ba uumpisahan 'to?Hindi naman kita ipinagdasal noon,du...

12 days ago 3 min read
AAaron Dave Mendina, Insight PH

LITERARY | I am who I am because I have always been loved by my English teachers

Once upon a time, there was a candle — wax aged, wick thinning, but eyes that never seemed to dim. And in her warm, reverent fire, fueled by love a...

15 days ago 6 min read
Explore all Literary articles