Sa pamilya kong superhero, ampon ba ako?
Ganito kasi ang kuwento namin; sa tahanan, si Mama ay nakakapagbigay ilaw sa loob, at si Papa naman ay nakakapag-ibang wangis bilang isang haligi. Bukod pa diyan, lalo pang mas malakas ang mga kapatid ko. Si Kuya—ang panganay—ay may super strength, buhat-buhat kaming lima. Si Ate naman, kaya niyang maging invisible, parang isang multo sa hangin!
Ngunit, paano naman ako? Ano ang powers ni bunso?
Ang aking Kuya ang inaasahan ng pamilya. Dahil nga siya yung nauna, akay-akay niya ang kabuuang responsibilidad. Dapat, independent para naman may maasahan sina Mama at Papa kung sakaling may nilalabanan silang kaaway. Pero, alam ko ring napapagod siya, no? Mukha mang kaya niyang buhatin ang bigat ng mga umaasa sa kaniya, kailangan niya rin ng pahinga. Isang araw pa nga ay nakita ko ang mga katas mula sa kaniyang mga mata habang pumatak ito sa narumihang sahig. Rinig na rinig ang malumbay na pagpipintig mula sa kaniyang mga kalamnan. Sa paningin man ng iba ay hindi siya tinatablan, mali siguro? O baka ako lang talaga ang nakakapansin?
Kung patahimikan lang, Ate ko na ang panalo. Napapagitnaan kasi namin siya ni Kuya, kaya madalas walang imik. Idol ko rin siya dahil matalino, masipag, at kaunting… strikta. Ngunit, hindi raw siya masyadong nakikita ng magulang namin? Marahil ito ang dahilan ng kaniyang pasya na maglaho na lang sa kasulok-sulukan. Total ano pang punto na magpakita? Kapag may darating na bagay, mas inuuna daw kami bago siya, sabi niya sa akin. Kaya mas lalo siyang nagtago. Bagaman ganito ang kaniyang hinaing, nakikita ko naman siya ha? Special ba itong mga mata ko? Baka hindi tumatalab ang powers niya sa akin.
Pero alam niyo, sa hinaba-haba nang nakausap ko silang dalawa, isa lang ang tugon na nakuha ko: “Swerte mo.”
Bakit? Ako ang pinakulelat, pinakabata, at pinakatalo. Wala akong natatanging kakayahan gaya nila. Ano ba ang powers ko? Ano ba ako? Sino ba ako?
Ilang pagkwekwesyon din ang sinalubong ko. Sa bagay, mas nakikita ko ang mundo dahil sa mga karanasan nila. Mas nagiging kampante ako dahil alam kong ipagtatanggol nila ako. Pero kasi, bakit parang kulang–
Sa isang iglap, naramdaman ko ang bigat galing sa aking dibdib. Pinipigilan makahinga, pinipigilan makapag-isip. Nagiging mahamog na rin ang aking nakikita, hanggang sa banayad na paraan… nawala nang tuluyan. At pagising ko, sampung taon na pala ang nakalipas… Doon ko rin napag-alaman kung ano ang ikinaiba ko sa kanila. Sa maraming panahong aking iginugol, sa wakas, natukoy ko na—oras at mata ng pamilya.
Unti-unti, nang dumaan ang ilang mga taon, kaniya-kaniyang bumukod ang mga kapatid ko. Pumuti na ang mga buhok at kumulubot na ang balat ng mga magulang ko. Bawal na silang makipaglaban sa mga halimaw tulad ng dati dahil mahina na. Si Kuya, may tinataguyod na pamilya; habang si Ate ay sinusunod ang mga pangarap niya. At ako—tininingnan ang mga sapot sa hapagkainan. Binabalik… binabalik ang oras noong kompleto pa kaming lima. Ako lang yata ang nakapapansin na bitak-bitak na ang berdeng pinta sa pader. Ako lang yata ang nakapapansin na lumuwag na ang aming higaan noon. Ako na lang ang nanatili—nakakulong sa oras ng kahapon.
Dinaramdam ko ang bawat pighati nila, subalit alam kaya nila na naghihirap din ako sa kakayahang ito? Tinanggap ko ang kalungkutan mula sa kanilang puso, niyayakap ang bawat pagbabago, at umaasa sa pagkakataong ang pamilya ay buo.
Gunita. Luha. Pangako—aking mga purol na sandata.
Written by Basul, Insight PH
Basul, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



