PANITIKAN | Gusto ko Nang Umuwi

J

James Kenneth Camato, Insight PH

Author

2 min readNovember 30, 2025
PANITIKAN | Gusto ko Nang Umuwi

Alas-diyes na nang makauwi si Tita — dala ang mga pulseras niyang kumikislap, tsokolateng kay tamis, at ngiting abot-tenga sa bawat sulyap. Hindi ko siya malapitan. Ang layo niya — hindi lamang sa pagitan ng mga hakbang, kundi sa pagitan ng mga taong lumipas. Marahil, nahihiya ako. O baka dahil matagal ko nang naiwala ang sarili kong mga labi upang muling makapagsalita.

Sa tuwing napapatingin ako sa hagdan, gusto kong maging malinis ito, walang bakas ng alikabok o luha. Ngunit sa bawat pagdampi ng aking mga mata sa bawat baitang, may kung anong kumakabog sa dibdib ko. Isang pintig — marahan, mabigat, parang pusong nagpipilit magpahinga pero ayaw tumigil. “Gusto ko nang umuwi,” bulong ko sa ikalawang baitang paakyat. Hindi ko maramdaman ang aking sarili, ngunit ang kaluluwa ko’y tila lumulutang na sa ilog na walang hanggan — malamig, tahimik, at nakapikit ang puso.

Naalala ko: wala nga pala akong paroroonan. Kahit sa bahay na ito, o sa bahay na iyon. Ang pinagkaiba lamang — may hagdan doon, at walang hagdan dito. Sana, may hagdan din dito, upang maikulong ko ang damdaming kay lalim at kay sabik, na parang pusong kumakatok mula sa dibdib, humihingi ng direksiyon.

Nalimot ko na kung paanong mamuhay nang may patutunguhan. Hindi ko na alam kung paanong isambit ang mga mensaheng gustong kumawala, kung paanong pakalmahin ang pusong laging naghahabol ng hinga. Ang mga alaala, parang mga pintig din — paulit-ulit, mahina man o malakas, pilit bumabalik.

Sana, sa mundong ito, hindi araw ang bumubuhay sa akin — kundi ang buwan: kalahating liwanag, kalahating pighati. Sapagkat ang gabi ang aking hagdan; at sa bawat hakbang ko rito, naririnig ko ang sarili kong tibok — pagod, pag-asa, paglimot.

Sana, sa bawat pag-akyat, ay masilayan kong muli ang araw na may sigla, upang maramdaman kong muli ang pusong matagal nang nanahimik. Dahil tangan ko ang hagdang malalim, ngunit hindi ang lalim ng hagdan ang aking tinitingala — kundi ang sariling pusong, sa wakas, marahang tumitibok muli sa itaas.

J

Written by James Kenneth Camato, Insight PH

James Kenneth Camato, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Literary

LLia Abellana, Insight PH

LITERARY | You Were My Idea of Tomorrow

There are people you lose even when they were never really yours to lose.I remember the time I wished, I hope I never lose you.I did ...

11 days ago 7 min read
JJanno, Insight PH

PANITIKAN | Bakit Diyos Pa Ang Kaagaw Ko?

Sa ngalan ng Ama at ng magiging anak sana nating dalawa…Paano ko ba uumpisahan 'to?Hindi naman kita ipinagdasal noon,du...

12 days ago 3 min read
AAaron Dave Mendina, Insight PH

LITERARY | I am who I am because I have always been loved by my English teachers

Once upon a time, there was a candle — wax aged, wick thinning, but eyes that never seemed to dim. And in her warm, reverent fire, fueled by love a...

15 days ago 6 min read
Explore all Literary articles