May aninong laging sumusunod sa akin,
kahit sa liwanag ng araw,
kahit sa katahimikan ng gabi.
Hindi ito umaalis, hindi ito humihinto—
isang paalala ng paulit-ulit na laban
na hindi kailanman natatapos.
Ang aking katawan ay parang ilog na hindi natutuyo,
patuloy na dumadaloy kahit pagod na ang pinagmumulan.
Ang isip ay parang gulong na umiikot sa parehong daan—
walang pahinga, walang bagong tanawin, kundi paulit-ulit na paglalakbay.
Sa bawat hakbang, may bigat na hindi nakikita.
Sa bawat ngiti, may pagod na nakatatago.
At sa bawat katahimikan,
naroon ang sigaw na hindi kailanman lumalabas:
“Pagod na ako, ngunit kailangan ko pa ring magpatuloy.”
Ito ang pagod na hindi sinisigaw,
ang laban na walang palakpakan,
ang sakripisyong hindi binibilang.
Tahimik ngunit mabigat—
parang bundok na dinadala sa balikat, parang dagat na hindi lumiliyat
Ang katahimikan mismo
ang nagiging tula ng aking pagod:
isang awit na walang tinig,
isang sigaw na walang tunog,
At isang laban na walang katapusan.
Written by Sundeiitales, Insight PH
Sundeiitales, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.


