PANITIKAN | Bukas Pa Ba Ang Linya?

C

Czevie Sigue, Insight PH

Author

3 min readFebruary 7, 2026
PANITIKAN | Bukas Pa Ba Ang Linya?

Hindi dumarating ang gabi nang marahan. Bigla na lang itong bumabagsak, kasama ang pagod na matagal mo nang kinikimkim. Nakahiga ka sa kama, sapilitan mong ipinikit ang mga mata, pero kahit ilang beses mong subukan, hindi ka dinadalaw ng antok. Sa halip, dinadalaw ka ng tanong na matagal mo nang iniiwasan.

Kung bukas ba, may maghahanap? May mayayanig ba?

Tahimik ang kwartong kinaroroonan mo, masyadong tahimik, hinihintay siguro nitong marinig ang paghinga mo para makasiguro na buhay ka pa. Ang ilaw sa labas ay pumapasok sa siwang ng kurtina, gumuguhit ng anino sa kisame. Hawak mo ang telepono sa malamig mong palad. Kanina mo pa ito binubuksan at isinasara, parang umaasang may lalabas na mensahe kahit alam mong wala. Wala kang inaasahan, pero may umaasang bahagi sa’yo na ayaw pang sumuko. Mayroon pa bang may pakialam kung nandito ako? Sinubukan mong iwaksi ang tanong, pero kumapit ito at hindi maialis.

Bumukas muli ang screen ng telepono at hindi sinasadyang makarating sa contact list. Dumaan ang pangalan ng mga taong matagal nang hindi mo nakakausap, mga pangalan na parang hindi mo na kilala.

Baka istorbo lang ako. Baka pagod na rin sila. Baka wala naman talagang mawawala kung manahimik na lang ako.

Ibinaba mo ang telepono sa dibdib mo at pumikit. Doon, sa gitna ng katahimikan, dumating ang bigat. Ganito ba talaga ang pakiramdam ng pagiging hindi mahalaga? Ganito ba talaga kapag wala nang natitirang lakas para ipaglaban ang sarili? Kung mawala ako ngayon, magpapatuloy lang ang lahat.

At oo, magpapatuloy ang mundo. Maghuhumiyaw pa rin ang trapik sa umaga, pero sa gitna ng lahat ng iyon, may isang taong mapapahinto at makakaramdam ng puwang na hindi kayang punuan ng ingay ng mundo.

Sa sandaling maisip mo na parang wala nang nagmamahal sa’yo, huwag mong hanapin ang ingay ng mundo. Huwag kang magbilang ng mensahe o tumingin sa salamin para sukatin ang halaga mo. Sa halip, huminto ka sandali at alalahanin ang isang linyang hindi isinara, nananatili kahit hindi mo ito banggitin.

May mga araw na kahit anong gawin mo, pakiramdam mo ay kulang, para bang ang mundo ay may inaasahang hindi maabot, at ikaw ang laging nahuhuli. Sa mga oras na iyon, sana'y malaman mo na ang pagiging pagod ay hindi kabawasan ng iyong halaga. Hindi mo kailangang maging buo palagi para mahalin. Kapag mabigat na ang gabi at ang mga pangalan sa isip mo ay parang dumaraan lang, sana ay manatili ang kahit isa, hindi bilang sagot sa lahat, kundi bilang paalala na may isang taong hindi aalis kahit wala nang katiyakan ang lahat.

At sa gabing iyon, habang mahigpit mong hawak ang teleponong hindi mo ginamit, sapat na munang malaman na kahit sa sandaling iniisip mong walang may pakialam kung mabuhay ka o mawala, hindi iyon totoo, dahil may isang pangalan na tahimik na nagbabantay sa’yo.

C

Written by Czevie Sigue, Insight PH

Czevie Sigue, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Literary

LLia Abellana, Insight PH

LITERARY | You Were My Idea of Tomorrow

There are people you lose even when they were never really yours to lose.I remember the time I wished, I hope I never lose you.I did ...

11 days ago 7 min read
JJanno, Insight PH

PANITIKAN | Bakit Diyos Pa Ang Kaagaw Ko?

Sa ngalan ng Ama at ng magiging anak sana nating dalawa…Paano ko ba uumpisahan 'to?Hindi naman kita ipinagdasal noon,du...

12 days ago 3 min read
AAaron Dave Mendina, Insight PH

LITERARY | I am who I am because I have always been loved by my English teachers

Once upon a time, there was a candle — wax aged, wick thinning, but eyes that never seemed to dim. And in her warm, reverent fire, fueled by love a...

15 days ago 6 min read
Explore all Literary articles