Sa bayang ang pagsambit ng katotohanan ay mistulang pagnguya ng bubog, hindi nag-atubili si Juan na iharap ang sarili sa maitim na anyo ng lupang kanyang sinilangan. Alam niyang ang bawat salitang bibitawan ay may kapalit—hindi palakpak, kundi dugong tutulo mula sa sariling bibig.
Batid ni Juan na sakanyang sariling bayan, ang katotohanan ay hindi ipinagdiriwang ng mga makapangyarihan. Ito'y tila tipak ng salamin—tinutuklap, dinudurog, at pinipilit na ipanguya sa mga nagbabantang magsalita. Ngunit sa kabila ng lahat, binuksan niya ang kanyang bibig. Hindi dahil siya'y walang takot, kundi dahil ang pananahimik ay mas mabigat na kasalanan kaysa pagdurusa. Sapagkat ang pananahimik ay mas masahol pa sa pagtataksil sa sariling bayan.
Sa unang salitang kanyang itinuran, isang bubog ang bumaon sa kanyang dila—kumirot at kalauna'y dumugo ito. Ngunit hindi siya tumigil. Itinuloy niya ang pagsasalita, kahit nanginginig ang tinig.
Sanay na ang bayan sa ganitong tanawin: mga bibig na nagdurugo, mga lalamunang napipilitan, mga katotohanang hindi man lang umaabot sa huli nitong pantig.
"Mag-ingat ka sa sinasabi mo," bulong ng marami—isang paalala na ang katotohanan ay may talim, at ang talim ay laging handang manugat.
Habang dumarami ang kanyang sinasabi, dumarami rin ang bubog sa kanyang bibig. Ang bawat tanong ay may tusok. Ang bawat pangalan ay may kapalit na sugat. Ang bawat pagsisiwalat ay tila pagngata sa isang basag na bote. Unti-unting humalo ang dugo sa kanyang laway, samantalang nananatiling malinis ang katahimikan sa paligid.
Sa bayang ito, hindi kailangang barilin ang mga nangangahas magsalita. Sapat nang gawing masakit ang bawat pantig. Sapat nang gawing panganib ang bawat pangungusap hanggang sa ang mismong bibig na ng nagsasalita ang kusang magsara.
Marami ang nais magsalita. Makikita mo ito sa kanilang mga mata—punô ng tanong, punô ng galit, punô ng katotohanang matagal nang ikinulong. Ngunit sa sandaling bumuka ang kanilang bibig, may kamay na agad na humahawak sa kanilang panga—handa silang patahimikan sa pamamagitan ng sakit.
Maraming umatras—hindi dahil mali ang kanilang sasabihin, kundi dahil pagod na silang nguyain ang parehong bubog araw-araw. Pinili nila ang katahimikan—hindi dahil ito'y tama, kundi dahil ito ang hindi nakamamatay. Ngunit kabaliktaran si Juan. Hindi siya umatras. Pinili niyang magsalita, kahit pa ang bawat salita ay may kapalit na sugat.
Habang dumarami ang bubog sa kanyang bibig, lalo niyang pinatibay ang kanyang tinig. Tinawag siya ng ilan bilang pasaway, istorbo, at banta sa kaayusan ng bayan. Ngunit ang tunay na banta ay hindi ang kanyang tinig, kundi ang kadilimang nagkukubli sa likod ng dapat sana'y lingkod sa bayan.
Hanggang isang araw, tumigil si Juan. Hindi dahil siya'y natakot, at hindi dahil naubusan siya ng katotohanang masasambit. Kundi dahil sapat na ang kanyang mga sugat upang mag-iwan ng bakas. Sapat na ang kanyang pagdurugo upang mamulat ang bayan.
At doon nila naunawaan na hindi si Juan ang problema. Ang problema ay ang bansang ginawang kasalanan ang pagsasalita.
Mula sa pagkakataong iyon, agad na nagsalita ang bayan. Hindi na sila takot sa bubog na maaari nilang mangata. Mulat na sila na hindi katahimikan ang makakapagpaahon sa kanilang bayan. Sapagkat ang katahimikan ay ligtas lamang para sa mga nakikinabang dito. At para sa mga inaapi, ang pagsasalita—kahit pa ito'y tila pagnguya ng bubog—ang huling anyo ng paglaban.
Written by John Benedict N. Banday, Insight PH
John Benedict N. Banday, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



