PANITIKAN | Babae, Walang Paumanhin

Ginawa ako ng lipunang gusto akong basagin—pero pinili kong buuin ang sarili ko. At kung kasalanan man ang maging totoo, hayaang maging makasalanan ang lahat ng babaeng pumipili araw-araw na mabuhay para sa sarili Dahil sa mundong paulit-ulit kang hinuhubaran ng dangal, ang manindigan ay isang anyo na rin ng paglikha.

L

Lia Abellana, Insight PH

Author

2 min readNovember 2, 2025
PANITIKAN | Babae, Walang Paumanhin
Hindi ko na matandaan kung kailan nagsimulang maging kasalanan ang maging babae.
Baka noong una akong tumawa nang malakas sa kalsada, at may sumipol.
Baka noong una akong umiyak sa jeep, at may nagsabing “arte lang ’yan.”
O baka noong una kong sinabing, “gusto ko rin magmahal, kahit wala sa plano.”

Sa bawat taon ng buhay ko, tinuruan akong maging mabuti—pero hindi sapat na maging mabuti lang.
Dapat marunong kang tumahimik, marunong mahiya, marunong magtago ng galit sa ilalim ng ngiti.
Tinuruan akong maging ina kahit hindi pa ako handa, asawa kahit wala namang kasal, babae kahit hindi ko pa alam kung anong ibig sabihin nun.

Kapag nagkamali ang babae, pangalan agad ang marumi.
Pero kapag nagkamali ang lalaki, tao lang daw.
Kapag umalis ang ina para magtrabaho, pabaya.
Kapag nanatili, sakripisyo raw.
Kapag umibig ulit, malandi.
Kapag hindi, martir.

Parang palaging mali ang bawat pagpili.
Parang bawat kilos, sinusukat ng mga matang hindi kailanman titigil sa paghusga.

Sabi nila, natural daw sa babae ang pag-aalaga.
Pero sino ang mag-aalaga sa kanya kapag pagod na siya?
Sino ang tatayo para sa kanya kapag siya naman ang bumagsak?

Naalala ko ’yung sinabi ng nanay ko minsan habang naghahaplos ng damit sa lababo:
“Anak, hindi lahat ng malinis ay banal. Minsan, pagod lang talagang magpaliwanag.”
Noon ko lang naintindihan—hindi mo kailangang humingi ng tawad dahil pinili mong mabuhay sa paraang hindi nila gusto.

Ang pagiging babae ay hindi parusa.
Pero araw-araw, ginagawa nila itong pagsubok.
Isang paligsahan ng moralidad, pananampalataya, at pagkababae na sila rin ang gumawa ng patakaran.

Kaya kapag tinanong nila, “Bata, bata, pa’no ka ginawa?”
Sasagutin ko nang tahimik:
Ginawa ako ng mga sugat na hindi ko ipinakita.
Ng mga luha na tinuyo ko bago sila bumagsak.
Ng mga desisyong hindi ko pinagsisihan kahit ginisa ako sa tingin ng iba.

Ginawa ako ng lipunang gusto akong basagin—pero pinili kong buuin ang sarili ko.
At kung kasalanan man ang maging totoo,
hayaang maging makasalanan ang lahat ng babaeng pumipili araw-araw na mabuhay para sa sarili.

Dahil sa mundong paulit-ulit kang hinuhubaran ng dangal,
ang manindigan ay isang anyo na rin ng paglikha.

L

Written by Lia Abellana, Insight PH

Lia Abellana, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Literary

LLia Abellana, Insight PH

LITERARY | You Were My Idea of Tomorrow

There are people you lose even when they were never really yours to lose.I remember the time I wished, I hope I never lose you.I did ...

11 days ago 7 min read
JJanno, Insight PH

PANITIKAN | Bakit Diyos Pa Ang Kaagaw Ko?

Sa ngalan ng Ama at ng magiging anak sana nating dalawa…Paano ko ba uumpisahan 'to?Hindi naman kita ipinagdasal noon,du...

12 days ago 3 min read
AAaron Dave Mendina, Insight PH

LITERARY | I am who I am because I have always been loved by my English teachers

Once upon a time, there was a candle — wax aged, wick thinning, but eyes that never seemed to dim. And in her warm, reverent fire, fueled by love a...

15 days ago 6 min read
Explore all Literary articles