Hindi kailanman magkakaroon ng isang kolektibong liberasyon ang bansa kung ang masa mismo ang nagiging panatiko ng isang politikang mabaho, marahas at tuta ng isang sistemang matagal nang dapat mabuwag.
Nitong mga nakaraang linggo, maraming nangyari sa bansa na hindi maipagkakaila ng marami na halong katawa-tawa at kagalit-galit. Nariyan ang putukan sa Senado, ang kawalang-pake ng mayorya ng institusyon na gawin ang kanilang trabaho, ang katatawanan na ginawa ng Senado bilang isang buong institusyon at ang pagkakapasa ng ‘Anti-Political Dynasty Bill’ sa kongreso na kwestiyonable kung ito’y para nga ba sa mga Pilipino o isa nanamang panakip-butas at panlinlang na aksyon ng administrasyon upang takpan ang kabahuan ng kasalukuyang sistema.
Sa kabila nito, mayroong ilang bagay at pahayag ang tila ba patuloy na kumakalat sa social media at patuloy na binibigyang pansin ng masa: “Kung si Ano sana ang nanalo noong nakaraang eleksyon, hindi sana tayo ganito” at ang “Sa 2028, iboto si Ano para mailigtas ang Pilipinas.”
At isa lamang ang masasabi ko patungkol sa mga pahayag at pag-iisip na ito: Kailanma’y hindi natin marapat na sabihing tagapagligtas ng bansa ang isang politiko kung magtatrabaho lang din lamang siya sa sistemang patuloy na binibigo, sinasamantala at inaalipusta ang masa at ang bansa.
Hindi pag-aayos sa sistema ang simpleng pagboto sa isang politiko. Dahil kung hihinto na lamang tayo sa eleksyon at pagboto sa mga politikong mas matino kaysa sa mga kasalukuyang naka-upo, wala rin tayong patutunguhan bilang isang bansa. Marapat na tandaan nating hindi natatapos ang pagiging makabayan natin sa kampanya’t eleksyon, bagkus ay marapat lamang na makiisa tayo sa pangunahing laban ng masa. Dahil ang pagiging kuntento sa isang politikong ginagawang plataporma ang pagiging progresibo ngunit handang makipagtrabaho sa parehong mga taong tuta ng sistema, kapitalismo at opresor–wala ring patutunguhan ang kolektibong paglaban natin.
Walang katuturan ang pagtrato kung kanino man na sila ang tagapagligtas ng bayan, ng bansa, at ng sambayanan dahil walang ganoon. Hindi sila si Hesus upang iligtas tayo. Ang natatanging kayang magligtas sa atin ay ang kolektibong paglaban at pagkundena sa isang sistema at administrasyong patuloy na binibigyang pasakit ang masa. Walang ‘savior’ na matatawag kung isa lamang din itong tuta ng estado at hindi kasapi ng masa. Walang tagapagligtas kung ang mailuluklok natin ay hindi alam ang tunay na laban natin bilang taumbayan.
Hindi natin masasabing nanalo ang masa sa isang eleksyon kung ang mga nailuklok natin ay mga politikong itinuturing pa ring may kulay ang ang pagiging progresibo. Hindi natin masasabing nanalo tayo sa isang eleksyon kung ang mga nailuklok ay hindi alam ang tunay na pasakit na nararanasan ng masa sa pang-araw-araw nilang buhay dahil sa prebiliheyong mayroon sila at mas lalong hindi tayo nanalo sa isang eleksyon kung hindi masa ang nailuklok natin.
Sa huli, marapat lamang nating tandaan na palagi, nasa kamay ng masa ang kapangyarihang buwagin ang sistemang pinapahirapan tayo at wala sa isang tao, politiko, tuta o kung sino pa man. Wala sa kaniya, wala sa akin, nasa atin. Walang isang taong kayang magligtas sa atin na para bang sila ang anak ng diyos. Lagi’t lagi, kolektibo ang masa sa paglaban.
Written by King Razon (Vis), Insight PH
King Razon (Vis), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



