Matagal nang ibinaba ang watawat ng mga banyagang humamak sa atin. Itinayo na rin ang sariling pamahalaan upang ipangalandakang, sa wakas, malaya na tayo. Sa kabila nito, tila ang tanikala ng mismong nanakop sa atin ay mahigpit pa rin ang kapit sa ating mga dila.
Hindi maipagkakailang ang Wikang Filipino ang isa sa mga mahahalagang bahagi ng kultura at pagkakakilanlan natin. Gayunpaman, isa rin ito sa madalas isantabi, minsan pa‘y ikubli.
Kalokohan kung itatangging naging natural na sa karamihan ang paglihis ng dila sa Ingles tuwing nais magmukhang kapani-paniwala at edukado. Ito pa nga ang gamit sa hukuman, mga batas, ng mga malalaking korporasyon, at mga naghaharing-uri. Samantalang ang Filipino—Tagalog man ‘yan o mga pangrehiyonal na diyalekto—nanatiling ikinakahiya at tinitingnan bilang mas mababa kumpara sa kultura ng Kanluran.
Kapag nagsalita ang isang Pilipino nang may matigas na punto, mali ang gramatika, o nagkamali ng bigkas sa isang salita, agad siyang nagiging tampulan ng tukso, sapagkat naging katumbas na ito ng kakulangan sa talino o kaalaman; tinatawag itong ‘Pilipino accent,’ o ‘Carabao English.’ Pero totoo naman, hindi ba? Pilipino naman talaga tayo. Kaya bakit tila mababa, primitibo, at marumi ang sariling kultura natin kung ituring?
Marahil para sa iba, isa lamang itong usapin ng personal na kagustuhan dahil Ingles ang unibersal na lengguwahe. Ngunit isa ito sa mga manipestayon na malakolonyal pa rin ang Pilipinas.
Isa itong tahasan at planadong atake sa kasarinlan ng bansa natin sa mukha ng neokolonyalismo at kapitalismo.
Ang paniniwalang nakahihiya ang pagsasalita ng purong Filipino ay hindi lamang nanatili dahil ito ang iniisip ng karamihan, bagkus dahil aktibo itong ginagatasan at pinakikinabangan ng mga malalaking korporasyon at bansa na humubog sa isip ng nakararami na Kanluran ang mukha ng sibilisasyon at pag-unlad. Sa ilalim ng sistemang neoliberalismo, may presyo ang lahat ng bagay—at walang halaga ang Wikang Filipino dahil hindi ito kumakamal ng dolyar para sa pandaigdigang merkado.
Kaya naging dayuhan tayo sa sariling wika para lamang umangkop sa pamantayan ng mga dating sumakop sa atin. Sinigurado ng neokolonyalismo na ito ang sistematikong pamana ng pananakop noon upang mapakinabangan tayo ng mga kapitalistang dayuhan bilang murang lakas-paggawa.
Noong ipinatupad ng Commission on Higher Education (CHED) ang CHED Memorandum Order No. 20, series of 2013, tinangka nitong burahin ang Filipino at Panitikan bilang kinakailangang kurso sa lahat ng programa upang makapagbigay ng daan at oras para sa mga kursong huhubog ng mga teknikal na kakayahan sa pakikipagsabayan sa buong mundo. Gayunpaman, malinaw na hindi dapat isinasantabi ang sariling wika, kultura, at pagkakakilanlan sa antas ng kolehiyo para sa ganitong layunin. Kung ganoon, tila ang mga institusyon ay magsisilbi na lamang bilang pabrika ng mga manggagawang gigipitin ng mga dayuhang negosyante.
Bukod rito, ginawang instrumento ng produksyon ang dila ng mga Pilipino. Sa pagsabog ng industriyang Business Process Outsourcing o BPO, naging kaakit-akit ang bansang Pilipinas sa mga banyagang monopolyo dahil sa mga kabataang marunong mag-Ingles, ngunit handang magtrabaho sa mas mababang sahod kumpara sa mga taga-Kanluran.
Napipilitan tayong magpakabihasa sa Ingles at ikubli ang sariling wika sapagkat idinidikta ng mga kumakalam na sikmura at mga kapitalistang nagpapatakbo sa merkado na kung hindi tayo aayon sa mga naghaharing bansa, magugutom tayo.
Ayon nga sa teoryang Linguistic Imperialism ni Robert Philipson, hindi lamang simpleng edukasyon ang pagtuturo ng Ingles sa mga bansang sinakop. Bagkus, isa itong tanikala at sandata upang mapanatili nila ang kontrol sa atin.
Sa tuwing sasapit ang Hunyo 12 at Agosto para sa Buwan ng Wika, waring tinatakpan natin ng huwad na pagdiriwang ang malubha at pasakit na sistema. Ang kahihiyang nararamdaman ng mga Pilipino sa pagyakap ng sariling wika ay hinubog ng mapait na nakaraan at patuloy na pinalalago ng kasalukuyang lipunan na hawak ng mga banyagang nagmamay-ari ng kapital. Hindi lamang simpleng gawaing pangkultural o emosyonal ang paggamit sa Wikang Filipino nang may dangal. Isa itong politikal at pang-ekonomiyang pakikibaka upang tuldukan ang neokolonyalismo at bawiin ang matagal nang ipinangakong kasarinlan sa ating bansa. Nararapat na itanong natin: kung ang Wikang Filipino ay hirap na kumapit dahil sa patuloy na panggigipit, tunay ba ang paglaya?
Written by Reyanhil Laurio (Kalachuchi), Insight PH
Reyanhil Laurio (Kalachuchi), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



