Kung may panahong nag-iwan ng malalim na bakas sa mga estudyante, walang tatalo ang pandemya. Hindi lang ito nangyari sa mundo—nangyari ito sa amin, sa akin, at sa bawat kabataang napilitang maging matatag kahit hindi pa handa.
Una kong naramdaman ang bigat nito ng umabot sa Pilipinas ang COVID-19. 13 anyos lang ako noon, at imbes na problema ko ay kung ano ang laro kinabukasan, bigla akong hinarap sa realidad ng sakit at takot. Tinamaan pa ako ng virus— doon ko unang naintindihan kung paanong ang isang bagay na ’di mo nakikita ay puwedeng magdala ng napakalakas na pangamba. Sa edad ko, hindi ko alam kung mas dapat ba akong matakot para sa sarili ko o para sa magulang kong ayokong mag-alala.
Sa kabila nito, hindi ako nag-iisa. Marami ring estudyante ang biglang napahiwalay sa mundong nakasanayan nila. Tahimik ang bahay, subalit maingay ang isip. Nakakapanibago. Nasa classroom sana, pero nakaharap sa screen. Kasama sana ang barkada, pero solo sa kwarto. Naging common experience namin ang pagod na hindi naman pisikal, kundi mental, at emosyonal.
Pagdating ng online classes, doon lalo kaming tinamaan. Hindi lahat ng kamag-aral ko kayang sabayan ang bilis ng pagbabago. May nawalan ng gana, may na-burnout, may halos sumuko. Kahit ako, ramdam ko na unti-unti akong nauubusan ng sigla. Ang dating simple lang—makinig sa teacher, makipagkulitan sa kaklase—naging mabigat na responsibilidad na parang wala namang katapusan.
Hindi lang kabataan ang naapektuhan. Pamilya namin mismo, pati pamilya ng mga kaklase ko, tinamaan din. Trabaho, kita, pang-araw-araw—lahat naging tanong at walang kasiguraduhan. Kaya kung tutuusin, habang nag-aaral kami, nakikiramdam din kami kung paano kami makakatulong o kung paano makakaraos ang household.
Ngunit kahit ang tindi ng tama, nag-iwan din ang pandemya ng aral. Marami sa amin ang natutong maging masinop, lalong naging matatag at marunong makinig sa sarili. Mula sa sarili kong karanasan, naunawaan ko kung gaano kahalaga ang mental health—hindi lang para sa akin, kundi para sa ibang estudyanteng hanggang ngayon ay may bitbit pang bigat na hindi napapansin ng iba.
Habang bumabalik ang mundo sa normal, hindi ibigsabihin na normal na rin kami. May mga pasâ pa rin—’yung tipong hindi na nakikita, pero alam mong nandoon. At sa tingin ko, iyon ang punto: hindi namin kailangang ikubli ang pinagdaanan. Kailangan lang naming tanggapin na kahit nasaktan kami, nakabangon din kami.
At marahil, ito ang pinakamahalagang tanda ng panahong iyon: ang mga estudyanteng minsang natakot ay sila ring estudyanteng natuto, tumatag, at nagpatuloy—kahit ang mundo ay pansamantalang tumigil.
Written by Shad Louie De Jesus (S. Imp), Insight PH
Shad Louie De Jesus (S. Imp), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



