Lumang bisyo, ngunit pinalawig lamang ang sakop. Nang makarating sa mundo ng online ay tila produktong inilalako sa merkado bilang “libangan.” Subalit sa paglago nito ay siyang nagdala sa bingit ng kapahamakan para sa mga kabataan. Nakababahalaha na hinahayaan at patuloy na nalululong sa online gambling o mas kilala sa tawag na e-sugal ang mga kabataan — na itinuturing natin na pag-asa ng bayan.
Nakababahala ang malaking hamon ngayon sa Pilipinas, kung saan ang dumarami ang mga Pilipinong nalululong sa paglalaro at pagtataya sa mga e-sugal. Sa huling tala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) noong 2025, humigit kumulang 32 milyong Pilipino ang gumagamit ng e-sugal, at 10 milyong indibidwal ang aktibong gumagamit nito.
Bunsod ng mga datos na ito ang malinaw na indikasyong walang direktiba, at mahigpit na regulasyon ang gobyerno na maaaring bahagi ng estadistika ang mga kabataan, dahil bukod sa abot-tanaw na ang mga ito online, talamak din ang mga patalastas dito na maaaring maging mitsa upang hikayatin pa ang mga kabataan na mabitag sa patibong ng sugal.
Bagaman mayroong Batas Pambansa Blg. 9827 na nagsasaad na hindi maaaring bumaba sa edad na 21 taon ang indibidwal na maaaring magsugal, isang malaking palaisipan kung naipatutupad ba ang batas pagdating sa online sapagkat nakikita ang mataas na bilang ng mga gumagamit ng mga online gambling platforms — nagpapahiwatig na madali lamang makapasok dito, at walang kalasag na pumoprotekta sa mga kabataan na gagamit nito.
Sa katunayan, sa aking karanasan, isang estudyante mula sa sekundaryang antas ang aking naririnig na sumasambit ng katagang “paldo” at “scatter” sa mga kapwa ko mag-aaral, na nagbibigay sa akin ng pagtataka kung bakit sila ay may kaalaman patungkol dito.
Malaking tanong din sa akin na walang regulasyon pagdating sa mga patalastas sa social media ang mga patalastas ng online gambling. Mga malalaking personalidad pa ang nag-e-endorso na maaaring makapag-enganyo ng mga kabataan at magbigay kaisipan na walang mali sa pagsusugal — na kung tutuusin — maraming buhay na ang sinira nito sa bansa, tulad na lamang ng mga taong nababaon sa utang dulot ng pagsusugal.
Isang patunay ay ang malaking suliranin pagdating sa financial literacy ng mga Pilipino. Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong 2024, 25% lamang ng mga Pilipino ang may sapat na kaalaman pagdating sa pinansyal na aspeto sa bansa. Kung hihimayin din ang datos na nakahanay sa demographic profile, 28% lamang ng mga Gen Z ang may maituturing na literacy proficient na isa sa malaking sanhi ng lumalalang pagdami ng gumagamit ng e-sugal sa bansa.
Gayunpaman, hindi malabo ang posibilidad na magkaroon pa ng solusyon sa matagal nang siklo ng sugal na naipapasa lamang sa iba't ibang henerasyon. Kung pagtitibayin ang kaalamang pampinansyal sa bansa sa pamamagitan ng pagtuturo sa tamang paggamit ng mga digital payments at tamang daloy ng pera — gayundin sa pagpapaigting ng mga batas na naghihigpit sa pagkakaroon ng access sa mga e-sugal na plataporma, mayroon at mayroong pag-asang naghihintay para sa mga kabataan.
Kung sa murang edad mamumulat ang mga kabataan sa sugal, malabo na ang bukas na naghihintay para sa kanila at tuluyan nang mawawalan ng ningas ang umaandap nilang pag-asa.
Written by Robi Miguel L. Villapando (Havoc), Insight PH
Robi Miguel L. Villapando (Havoc), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



