OPINYON | MAMA MO, GALIT

Wala talagang forever—lalo na kung puro plastik lang ang iniiwan mo.

Kyriel Yu (What Yu Thinks), Insight PH

Author

4 min readNovember 16, 2025
OPINYON | MAMA MO, GALIT
Wala talagang forever—lalo na kung puro plastik lang ang iniiwan mo.

Galit na si Mama, at hindi lang siya nagpaparinig; sinisigawan niya na tayo. Sa init na parang naluluto na tayo sa sariling pawis, sa mga bagyong parang gustong ipaghiganti lahat ng plastik na tinapon mo sa kanal, sa mga lindol na kumakain ng mga lungsod taon-taon.

Sa Pilipinas, hindi lamang basura ang ating mga suliranin. Inaabuso natin ang bundok para sa minahan, kinukuha natin ang mga puno para sa konstruksyon at agrikultura, at sinusuportahan ang mga hindi makatarungang pamamahala ng mga maliliit at malalaking industriya na lumalabag sa kalikasan.

Ang Manila mismo ay nasa garbage crisis na, ayon sa ulat ni Marilyn Cahatol ng ABS-CBN noong Hunyo 2025. Ang mga coastal at mining communities ay nahaharap sa polusyon, deforestation, at sakit na dulot ng kapabayaan sa kalikasan ayon sa Amnesty International 2025. At hindi lang iyan—ang ating mga baybayin ay unti-unting lumulubog dahil sa sinking land at pagtaas ng dagat, ayon sa Deutsche Welle 2025.

Kung iniisip nating wala namang epekto ang lahat ng ito—mag-isip ulit. Hindi dahil tahimik, ay walang nangyayaring unti-unting pagguho. Ayon kay Boton ng Philstar, umabot na sa 42°C hanggang 45°C ang heat index sa dalawampu’t isang lugar sa bansa, kabilang ang Tuguegarao, Ilagan, at Infanta. Sa Maynila naman, kahit “malamig” na panahon ng Nobyembre hanggang Pebrero, nananatiling 30°C ang karaniwang mataas na temperatura, ayon sa WeatherSpark—ibig sabihin, kahit “taglamig,” parang tag-init pa rin.

Dagdag pa rito, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang 11 hanggang 19 bagyo ang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa ikalawang kalahati ng taon. Kahit pa “below average” ang bilang, ayon sa Inquirer, hindi nito binabawi ang katotohanang mas nagiging pabagu-bago, marahas, at mapanganib ang mga bagyong ito. Ang init, ulan, at baha ay hindi na basta-basta mga natural na pangyayari—mga palatandaan na sila ng pag-igting ng galit ni Inang Kalikasan.

Hindi natin kailangang hintaying tuluyang lamunin ng baha o sunugin ng init ang ating mga lungsod bago kumilos. Kailangan natin ng matinong flood control, maayos na waste management, at tapat na pamahalaan—hindi lang ‘yung puro plano at canned goods ang ambag tuwing kalamidad. Hindi ito sapat; kailangan ng sistematikong solusyon. Dapat ayusin ang mga kanal, palakasin ang drainage system, at itigil ang mga proyektong sumisira sa kalikasan kapalit ng pansamantalang tubo. Ang tunay na pag-unlad ay hindi nasusukat sa dami ng sementong naibuhos, kundi sa kung paano tayo nakikipagtulungan sa kalikasan upang manatiling buo ang ating kinabukasan.

Pero hindi lang gobyerno ang may papel dito—kailangan din nating kumilos. Hindi gagana ang mga batas kung tayo mismo ay walang disiplina; wala ring magbabago kapag puro reklamo. Magsimula tayo sa sarili: bawasan ang paggamit ng plastik, suportahan ang mga produktong lokal at eco-friendly, at maging responsable sa pagtatapon ng basura. Mag-segregate, mag-compost, mag-reuse. Maliit man, pero kapag sabay-sabay, malaki ang epekto. Dapat nating itaguyod ang sustainable living—mula sa pagkain, transportasyon, hanggang sa pang-araw-araw na pamumuhay. Dahil kung tayo mismo ay hindi marunong rumespeto sa kalikasan, paano pa natin aasahan na gagawin ito ng mga nasa kapangyarihan? Hindi lang dapat puro utos—dapat ito ay sinisimulan.

Tandaan: agricultural country tayo. Kapag ang lupa’y tuyot o baha, gutom ang balik. Kapag ang dagat ay marumi, kabuhayan ang namamatay. Hindi lang kalikasan ang sinisira natin—pati ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisdang bumubuhay sa atin. Ipagmalaki natin ang ating sariling lupa—ang lupang bumubuhay sa atin. Suportahan ang mga lokal na magsasaka at mangingisda, isulong ang sustainable farming at pangisdaan na hindi sumasakal sa kalikasan. Magtanim, mag-reforest, at itigil ang mga gawain at proyektong sumisira sa lupa at dagat kapalit ng pansamantalang tubo. Turuan ang susunod na henerasyon na hindi kaaway ang kalikasan kundi kakampi sa pag-unlad. Yakapin natin si Inang Kalikasan, hindi lang dahil galit siya, kundi dahil siya ang bumubuhay sa atin—at kung patuloy nating aabusuhin, wala na tayong ibang Mamang matatakbuhan.

Ngunit sa lahat ng mga ito, tandaan na mahal tayo ni Mama, kaya galit siya. Ang poot ni Inang Kalikasan ay hindi pagkasuklam; ito ay babala. Bawat baha, bagyo, at araw na nag-iinit nang sobra ay paalala na may hangganan ang pasensya niya. Kapag pinagsasamantalahan pa natin ang lupa, dagat, at hangin na nireregalo niya para sa atin, binibigyan natin siya ng dahilan para magpataw ng disiplinang marahas.

Ayan, tinatawag tayo na ni Mama—handa na bang sagutin o wait lang pa rin?

Written by Kyriel Yu (What Yu Thinks), Insight PH

Kyriel Yu (What Yu Thinks), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

RReyanhil Laurio (Kalachuchi), Insight PH

OPINYON | WIKApit: Tunay ba ang Paglaya?

Matagal nang ibinaba ang watawat ng mga banyagang humamak sa atin. Itinayo na rin ang sariling pamahalaan upang ipangalandakang, sa wakas, malaya n...

17 hours ago 4 min read
JJohn Benedict Banday, Insight PH

COLUMN | Usec., is blaming the teachers your ’Claire solution?’

Teachers are always among the first to be blamed.A student fails, the teacher is questioned. A student misbehaves, the teacher is accused of...

11 days ago 4 min read
eezro, Insight PH

OPINION | A Tree Is Never Just a Tree

“It’s just a tree.”Fewer phrases reveal our environmental priorities more clearly than those four words.In the wake of ...

15 days ago 2 min read
Explore all Opinion articles