Sa tuwing may mag-aaral na umaabot sa Senior High School ngunit hirap pa ring umintindi ng simpleng binabasa, malinaw na may malalim na kakulangan ang ating sistema ng edukasyon. Hindi ito usapin ng talino o sipag ng kabataan—ito ay usapin ng kahandaang hinuhubog ng paaralan, pamilya, at pamahalaan. Kung hindi marunong umunawa ang mag-aaral, paano natin masasabi na handa na siya sa kolehiyo, trabaho, at lipunan?
Mas nakababahala na tila naging karaniwan na ang pag-angat ng mga mag-aaral kahit kulang ang pundasyon sa pagbasa at pag-unawa. Ang mga estudyante ay umaakyat ng antas na dala ang parehong problema sa pagbasa at pag-unawa, habang ang sistema ay kuntento na sa marka at diploma. Sa ganitong kalagayan, ang edukasyon ay nagiging proseso ng paglipat, hindi ng pagkatuto. Ang resulta: kabataang mas sanay sa mabilisang aliw ng social media kaysa sa pag-iisip at pagsusuri.
Ang epekto nito ay ramdam sa lipunan. Ang mamamayang hindi sanay umunawa ay madaling malinlang ng maling impormasyon, hirap magdesisyon, at limitado ang pakikilahok sa mahahalagang usaping panlipunan. Sa panahon ng digital na balita at social media, ang kakulangan sa pag-unawa ay hindi lamang kahinaan sa akademiko—ito ay banta sa demokrasya.
Kaya’t malinaw ang pananagutan. Kailangang tumigil ang mga paaralan sa polisiyang no one left behind at “basta makapasa.” Ang mga guro ay kailangang suportahan upang maituon ang pagtuturo sa pag-unawa, hindi lamang sa pagtakbo ng aralin. Ang mga magulang ay kailangang makialam, hindi lang magtiwala; ang tahanan ay dapat maging unang lugar ng pagkatuto, hindi pahingahan mula rito. Ang mga estudyante naman ay kailangang harapin ang katotohanan na walang scroll ang makapapalit sa kakayahang umunawa. Ang pamahalaan din ay kailangang maglatag ng malinaw na patakaran na inuuna ang kalidad ng pagkatuto kaysa sa magagandang ulat at numero.
Hindi sapat ang magtanong kung bakit nahuhuli ang kabataan. Ang mas mahalagang tanong ay kung may ginagawa ba tayo upang ihanda sila. Hangga’t patuloy na pinapasa ang mga mag-aaral na hindi handa, patuloy din nating ipinapasa sa susunod na henerasyon ang isang sistemang palpak.
Higit sa lahat, ang tanong na “Handa ba sila?” ay hindi lamang para sa kabataan, kundi para sa lahat ng bumubuo ng sistema. Kapag patuloy na nabibigo ang edukasyon na maghanda ng mga mag-aaral, mananatiling kulang ang pagkatuto at mananatiling alanganin ang kinabukasan ng bansa.
Written by Shad De Jesus (S. Imp), Insight PH
Shad De Jesus (S. Imp), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



