Tatlong daang piso para sa tiket, dalawang daan naman para sa pagkain at inumin, at isang daang piso para sa kapwa mong manonood sa isang pelikula na pinaguusap-usapan. Nang makahanap ka ng iyong mauupuan ay saktong nagsimula nang ipakita sa malaking screen, ngunit lubos kang nagtataka––bakit hindi tao ang mga tauhan? bakit wala kang maramdaman na emosyon ng isang tao, bakit hindi likhang kamay ang buong pelikula? Bilang isa sa mga muntik manlilikha ng pelikula, isa itong malakas na suntok sa sikmura ang iyong napanood. Hindi mga kauri mo ang gumaganap, sumulat, at lumikha, kundi ang makapanibagong teknolohiya na Artificial Intelligence (AI).
Sabi nila na ang kasangkapan na ito ay napakahalaga, sapagkat pinapabilis nito ang mga gawain. Ngunit parang pinaganda lamang nito ang sinasabi na magiging daan ito para balewalain ang dugo’t pawis ng mga propesyonal sa likod ng kamera––mga manunulat, editor, visual effect artists, mga actor, at iba pa. Mga hindi pinapahalagahan, mga bihirang binibigyan ng kredito at kadalasang mababa pang binibigyan ng sahod. Ngayon unti-unt nai silang pinapalitan ng mga makinang itinatago sa likod na salitang “kaakibat sa paglilikha.” Sino nga ba ang tunay na nakikinabang?
Hindi na bago ang pinoproblema sa industriya ng pelikula. Hindi na nakapapanibago ang mababang sahod, panandaliang kontrata, at mga pinakong pangakong “exposure” na kapalit ng oras at talento. Ngayon, pinakilala na ang AI sa industriya, at mabilis itong tinanggap ng industriya dahil mas mura, mas mabilis, walang reklamo, walang kailangang bayaran kapag napapagod na, kaya sa ganitong paraan ay hindi na mahirap isipin kung paano nagiging palusot ang teknolohiya para tuluyang isinasantabi ang gawa ng isang tao.
Kagaya ng short film “Portrait No. 72” na kung saan nakaabot pa sa finals ng pandaigdigang patimpalak ng mga AI Film sa Dubai. Ayon sa mga taong likod nito ay hindi pinalitan ng AI ang creative vision at tao pa rin ang sentro ng kwento. Ganoon din ang isa pang eksperimentong proyekto na kung saan naman ay mga AI-generated characters kasabay nito ay mga human actors. Ika nga nila, makakatulong ito sa industriya pero bakit may mga nangangamba pa rin na baka mawalan o mapapalitan na sila ng trabaho. Hindi na oras at pagod ang hinihingi sa mga manggagawa. Kundi katahimikan, At pagtanggap. Pinapalitan ang kamay ng bawat prompt, mga mukhang rinender, at mga emosyon dulot ng algorithm. Tahimik na lamang nilang pinapanood ang tinatawag nila “progreso” sa industriya. Sumasalamin na dito ang isang industriya na matagal nang handa isakripisyo ang tao para magpatuloy ang palabas.
Habang ipinagdiriwang nila ang pandaigdigan pagkakakilanlan, sino ba ang nagbabayad ng presyo sa likod ng kamera? Ang AI ay isa itong kasangkapan sa inobasyon, bagkus isa rin itong dahilan sa eksploytasyon ng mga totoong tauhan sa likod ng mga makukulay at matagumpay na pelikula. Ang teknolohiya ay hindi kaaway––ang kawalan ng proteksyon at pagkilala ang tunay na panganib.
Para sa bawat kwento na ating pinapanood at binabasa, para sa bawat dugo’t pawis ng mga tunay na gumagawa ay karapat-dapat bigyan at pakinggan ang kanilang boses. Ang tunay na sining ay hindi minamadali ang produksyon, bagkus ating pahalagahan ang kredito, dignidad, at sahod na matagal na pinagkakaitan sa kanila.
Para sa Tunay na Sining!
Written by Drexli Joanna Ambida, Insight PH
Drexli Joanna Ambida, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



