Bakit ba tayo umaasa sa Artificial Intelligence upang malaman kung AI ang gawa ng isang tao?
Noong isang araw lang, nakakuha ako ng mababang marka sa isang major requirement. Hindi dahil kulang ang references, hindi rin dahil mahina ang argumento, o walang saysay ang papel. Kundi, ang lumabas na resulta ay “Almost 100% AI-detected.”
At dahil doon, nabura ang lahat ng pagod, lahat ng pag-iisip, puyat, at mga luha.
Nagtataka ako—paano ‘yon? dahil ba gumamit ako ng em dash? dahil ba may mga ginamit na “hook” sa papel? dahil ba maayos at magandang tingnan ang formatting?
Nakatatawa. O mas tama sigurong sabihin: naka-iinsulto.
Kung ipapasok mo ang ilang bahagi ng Philippine Constitution sa isang AI detector, may pagkakataong lalabas itong “AI-generated.” maging ang Bibliya, sa ilang tests online, ay lumalabas ding AI-written. Ano ngayon ang ibig sabihin noon? na Artificial ang kasaysayan? na algorithm ang may-akda ng pananampalataya?
At heto pa: mismong ang mga AI-detection tools ay may paalala sa kanilang mga pook-sapot (website). Hindi raw sila dapat gawing basehan sa pagdedesisyon kung ang isang akda ay gawa ng tao o hindi.
Hindi raw sila 100% accurate.
May false positives.
May bias.
Hindi ko naman itinatanggi na may mga estudyanteng gumagamit ng AI para mag-copy paste. Totoo iyon. Kung gagamit man ng AI, dapat itong maging tool—hindi kapalit ng utak, hindi kapalit ng pagiging tao. Mas higit pa tayo kaysa sa copy paste. Mas matalino pa tayo kaysa roon.
Pero iba talaga ang usapan kapag ang husay mo ang nagiging ebidensya laban sa’yo.
Ang em dash ay hindi imbensyon ng AI. Ang metaphor ay hindi pag-aari ng AI. Ang parallelism, ang anaphora, ang matitinding hooks at malinaw na transitions—ito ay produkto ng taong nagsanay, nagbasa, nabigo, at muling sumubok. Ito ay gawa ng tao para sa tao, para sa pagsusulat, para pagpapahayag.
Mga tao tayo—may utak tayo. May kakayahan tayong magbasa at umunawa ng estilo ng isang mag-aaral. Kung tunay na nais alamin ang katunay ng isang gawa, bakit hindi alamin ang metodolohiya ng manunulat? Ang proseso ng pagbabalangkas? ang boses ng mag-aaral sa mga nauna niyang akda?
Huwag nating hayaang ang AI ang kumuha ng mga ito.
Sa bawat “AI-detected” na marka, na kaltas, na katugunan, may manunulat na unti-unting pinagdududahan ang sarili. May estudyanteng tinuturuan hindi kung paano magsulat nang mas mahusay—kundi kung paano magsulat nang mas “hindi AI.” Mas simple. Mas mali. Mas hindi masyadong maganda.
Ganito na ba tayo ngayon? pinaparusahan ang kalidad? Para saan pa ang lahat kung sa akademya pa lamang, binababa na sa “AI output” ang gawa?
Pero hindi rito nagtatapos ang usapan.
Ang tunay na solusyon ay hindi umasa lamang sa AI-detectors; masusing pagsusuri, malinaw na mga alituntunin, at respeto sa proseso ng pagkatuto ang ating kailangan. Turuan ang mga estudyante kung paano gamitin ang AI nang may katapatan at integridad. Turuan ang mga guro kung paano suriin ang gawa nang may konteksto.
Hindi AI ang may huling salita.
Tayo pa rin.
At kung ang mga gawain ko ay maihahalintulad lamang sa AI, hinihikayat akong pangitan ang sarili kong tinig—para lamang mapatunayan ang tinatawag nilang “academic integrity.”
O ikaw naman, what yu thinks?
Written by Kyriel Yu (What Yu Thinks), Insight PH
Kyriel Yu (What Yu Thinks), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



