Isang Facebook post mula sa Pangulo ang gumulantang sa Pilipinas. Ayon kay Pangulong Bongbong Marcos, nahuli na raw umano si Elizaldy ‘Zaldy’ Co. Nasa kustodiya na raw sa Prague, Czech Republic. Sa unang dinig, tila ito ay tagumpay ng batas. Subalit habang ang mga detalye ay mas nagiging klaro, mas kumakagat naman ang tanong na hindi agad masagot: kailan siya maibabalik sa Pilipinas?
Sa mga unang ulat, sinabi ng pamahalaan na si Co ay nasa ilalim ng kustodiya ng mga awtoridad sa Czech matapos itong mahuli sa Europa. Ngunit kalaunan, nilinaw ng DOJ o Department of Justice na siya ay hindi teknikal na inaresto, kundi ang kanyang kalayaan ay “restrained” lamang. Siya ay nililimitahan, ngunit hindi pormal na nasa ilalim ng isang arrest warrant sa kaniyang kinaroroonan. Sa madaling sabi, hindi siya basta makakalabas sa hurisdiksyon ng Czech Republic, ngunit hindi rin sapat ang kalagayang ito upang agaran siyang maibalik sa Pilipinas.
Sa unang tingin, tila maliit lamang ang pagkakaiba ng dalawa—arrest at custody. Gayunpaman, sa mata ng batas, ang pagkakaibang ito ang nagsisilbing hadlang sa kaniyang agarang pagbabalik. Sapagkat kung walang warrant sa kaniyang bansang kinaroroonan, hindi siya maaaring arestuhin doon. Ang kaso laban sa kaniya ay umiiral sa Pilipinas, hindi sa bansa na may hawak ng kaniyang kustodiya. Kaya ang susunod na hakbang ay hindi basta pag-uwi, kundi isang mahabang proseso.
At ang prosesong ito ay hindi simple. Ayon pa sa pamahalaan, kinailangan pa nitong magpadala ng mga high-level delegation sa Prague upang makipagpulong sa Czech authorities at tuklasin ang mga legal na opsyon—na maaaring gamitin upang maibalik si Co sa bansa—deportation, extradition, o iba pang diplomatikong hakbang.
Sa batas-internasyonal, walang agarang pag-uwi. Ito ay dumaraan sa legal na proseso at kasunduan na maaaring tumagal ng araw, linggo, o kahit buwan.
Subalit bago pa man mangyari ang anumang pagbabalik, kinakailangan munang matupad ang mga kundisyon: pahintulot ng Czech Republic, legal na pag-apruba sa paraan ng pagbabalik sa kaniya, at diplomatikong kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa. Hangga’t hindi natutupad ang mga ito, ang pag-uwi ni Co ay mananatiling posibilidad—hindi katiyakan.
Gayunpaman, sa gitna ng mga kundisyong ito, isang panibagong ulat ang lalo pang nagpatindi sa kawalan ng katiyakan. Sa pinakahuling pahayag ni Justice Secretary Fredderick Vida, kinumpirma niya na si Zaldy Co ay wala na sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic, at wala na rin sa kanilang teritoryo. Inihayag niya sa isang press briefing, “Czech authorities have informed us that Mr. Zaldy Co is no longer in their custody,” at nang siya ay tanungin kung si Co ba ay malaya na, tahasan niyang sinagot—“Yes.” Kung ito na ang kalagayan, ang tanong ay hindi na lamang kung kailan siya maiuuwi. Kundi kung paano pa siyang maibabalik kung ang mismong taong nais panagutin ay wala na sa kamay ng mga inaasahang mag-uuwi sa kaniya.
Sa kasalukuyan, wala pa ring eksaktong timeline na inilalatag ang pamahalaan kung kailan siya maibabalik. Maski detalye kung siya ay nasaan ay walang tiyak na impormasyon. Sa kabila ng mga koordinasyon, diplomatikong hakbang at mga press briefing, ang pinakamahalagang impormasyon—kung nasaan ang akusado—ay nananatiling hindi ganap na malinaw.
Sa ganitong kalagayan, hindi na lamang diskurso ukol sa pagkaantala ang kinakaharap ng proseso. Sa pahayag ni Vida na si Co ay wala na sa hurisdiksyon ng Prague, malinaw na ang sitwasyon ay hindi na simpleng paghihintay sa kung ano ang susunod na hakbang—kundi muling paghahanap at paghahabol sa isang akusado ng wala na sa saklaw ng inaasahang magbabalik sa kaniya. Ayon pa kay Vida, kinakailangan irespeto ang panuntunan ng bansang kanilang nasasakupan. Ito ay walang duda. Subalit kung sa kabila ng mga pagpupulong at diplomatikong hakbang ay wala na pala siya sa kustodiya roon, ang tanong ay hindi na lamang kailan siya maiuuwi—kundi kung paano pa siya muling matutunton at maihaharap sa hustisya
Hindi naman na dapat ipaliwanag pa. Kailanman ay hindi sapat ang presensya ng mga delegado kung ang mismong presensya ng akusado ay mas nagiging malabo habang ang oras ay patuloy tumatakbo.
Habang kumakaripas din sa paglipas ang oras, mas bumibigat ang tanong na hindi pa rin mabigyan ng eksaktong kasagutan. Bukod sa tanong kung kailan siya uuwi, mayroon pang isa: ito ay kung tunay pa nga bang makakamit ang hustisya?
Sa bawat ulat ng pulong, sa bawat pahayag ng mga opisyal, malinaw na ang pagbabalik ni Co ay hindi agarang mangyayari, maaaring maantala, at sa ngayon ay nananatiling hindi tiyak.
Isang katotohanan ang malinaw: ang kustodiya ay hindi ang katapusan ng laban, kundi simula pa lamang ng mas masalimuot na proseso. Ito ay laban ng proseso—at kung wala na sa kamay ng hurisdiksyon ang akusado, ang pinakamalaking kalaban na ng hustisya ay hindi na lamang distansya, kundi ang oras na hindi kailanman mag-aadjust para sa sino man.
At sa puntong ito, mas dapat nang maging malinaw ang paninindigan. Ang hustisya ay hindi dapat nakasandal sa pangako lamang ng pagbabalik. Hindi rin sapat ang sabihing “may proseso.” Lalong hindi sapat ang umasa sa pangakong “may koordinasyon.” Ang tunay na barometro ng hustisya ay hindi ang dami ng pulong na dinadaluhan ng mga delegado ng pamahalaan sa Prague—kundi ang sandaling siya ay tuluyan nang maihaharap sa hukuman ng Pilipinas.
Sapagkat kung ang pagbabalik niya ay patuloy maaantala, kung impormasyon ukol sa kanyang lokasyon ay wala pa, at kung kustodiya niya ay nananatiling malabo—ang tanong na dapat natin pinapaulit-ulit ay hindi na lamang “kailan siya uuwi?”
Kundi ito: Uuwi nga ba siya? O tuluyan na lamang mawawala sa abot-kamay ng hustisya?
Written by Cyrus G. Gatchalian | AkoSiJuan, Insight PH
Cyrus G. Gatchalian | AkoSiJuan, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



