OPINION | LIGHTS, CAMERA, POVERTY

v

via Drexli Joanna Ambida | Siniko-Lohiya, Insight PH

Author

3 min readSeptember 27, 2026
OPINION | LIGHTS, CAMERA, POVERTY

Maraming malikhaing pelikula ang nananatiling nakatago. Mga kinukulang sa oportunidad na ipakita ang kanilang obra sa mga malalaking sinehan kaya sa bawat pagdiriwang ng pelikulang pamprobinsiya, mahalagang tanungin hindi lamang kung sino ang nanalo, kundi kung anong uri ng kuwento ang patuloy nating pinipiling kilalanin.

Sa mga taunang paligsahan sa paggawa ng pelikula sa mga lalawigan—mula sa mga lokal na film festival hanggang sa mga patimpalak na nagtatampok ng mga pelikulang panrehiyon—kapansin-pansin ang pagkakatulad ng konsepto ng mga ilang nagwawaging pelikula: kahirapan, pagsubok, at pagbangon mula sa salat na kalagayan. Hindi makakailang mahalagang ikuwento ang kahirapan. Sa isang bansang patuloy na humaharap sa hindi pantay na oportunidad at tumataas na gastusin, bahagi ito ng realidad ng maraming Pilipino.  

Hindi ito pagbatikos sa mga filmmaker na pinipiling magkuwento tungkol sa kahirapan. Karapat-dapat din namang masalaysay ang ganitong realidad. Ang dapat suriin ay ang pamantayang patuloy na nagbibigay ng pagkilala sa ganitong uri ng kuwento.

Sapagkat may batayan ang ganitong obserbasyon. Ayon kay Gary C. Devilles, isang manunulat at iskolar na tumalakay sa representasyon ng kahirapan sa pelikulang Pilipino—sa kaniyang pag-aaral na The Pornography of Poverty in Serbis and Tribu, maaaring maging problematiko ang paraan ng paglapat at pagtanggap sa mga kuwento ng kahirapan sa pelikula. Sa halip na bastang pagtanggi sa mga ganitong kuwento, mahalagang suriin kung bakit tila mas madaling kinikilala ang ganitong uri ng realidad bilang makabuluhan o mahusay.

Ngunit kailan naging sapat ang paglalarawan ng kahirapan upang ituring na mahusay ang isang pelikula? Kailangan ba talagang may kuwento ng pagdurusa upang masabing makabuluhan ang isang obra?

Hindi problema ang paggawa ng pelikula tungkol sa mga mahihirap. Ang problema ay kung unti-unti nating nakokondisyon ang ating sarili na isiping mas makabuluhan ang isang kuwento kapag may matinding pagsubok na kailangang lampasan. Ang para maging “mahusay” ay kailangang may pagdurusa—at ang para maging “makabuluhan,” kailangang manggaling sa kahirapan.

Para sa mga filmmaker sa probinsiya, higit pa sa tropeo ang pagkilala. Maaari itong maging daan upang mas mapansin ang kanilang mga obra, magkaroon ng mas maraming pagkakataong maipalabas ang kanilang mga pelikula, at makapagbukas ng mga oportunidad sa industriya. Sa isang larangang limitado na nga ang espasyo para sa mga panrehiyong filmmaker, mahalaga ang bawat pagkakataong maipakita at mapahalagahan ang kanilang talento.

Kaya sa ganitong kalakaran, maaaring mas malaki ang problemang ikinakaharap ng pelikulang pamprobinsiya kaysa sa isang paligsahan lamang. Kung paulit-ulit na iisang uri ng kuwento ang nabibigyan ng pagkilala, maaaring isipin ng mga filmmaker na ito rin ang uri ng kuwentong dapat nilang likhain upang mapansin. Sa halip na mahikayat na tuklasin ang iba’t ibang kuwento tungkol sa kultura, wika, kasaysayan, pag-ibig, pagkakakilanlan, tradisyon, o maging sa ordinaryong buhay sa kanilang rehiyon, maaari silang manatili sa hulmang alam nilang kinikilala.

Hindi ba’t bahagi rin ng pagiging Pilipino ang mga kuwentong hindi tungkol sa paghihirap?

Ang sining ay hindi dapat magkaroon ng iisang hulmahan para maging karapat-dapat sa pagkilala. Kung ang mga provincial filmmakers ay natututong ang kanilang pinakamahusay na pagkakataong mapansin ay ang paglalarawan ng kahirapan, hindi lamang natin nililimitahan ang kanilang pagkamalikhain. Nililimitahan din natin ang mismong kinabukasan ng panrehiyong pelikula.

Maaaring hindi naman ang tanong ay, “Bakit puro kahirapan ang ginagawa nilang pelikula?” Maaaring mas mahalagang itanong: “Bakit tila ito ang mga kuwentong pinakamadaling kilalanin bilang mahusay?”

Dahil ang tunay na pag-unlad ng pelikulang probinsyano ay hindi lamang nasusukat sa dami ng pelikulang nananalo. Nasusukat din ito sa lawak ng mga kuwentong pinahihintulutan nating maisalaysay.

v

Written by via Drexli Joanna Ambida | Siniko-Lohiya, Insight PH

via Drexli Joanna Ambida | Siniko-Lohiya, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

PPearl A. Sison | sirume, Insight PH

OPINION | Artificial Identity Crisis

Tutorial on how to promptly celebrate our pride in our language as Filipinos:Make an accurate tutorial on how to celebrate our pride ...

5 days ago• 5 min read
ddiamondintheiris, Insight PH

OPINION | Fund Control Project

The home of great leaders is now the home of a massive fluke in flood control.In Batac City, Ilocos Norte—the Quiaoit River experienc...

5 days ago• 4 min read
MMiles Benedict O. Soriao | Elliot Pierce, Insight PH

OPINION | Lung Story Short: Your Smoke Is Not My Choice

One person lights a cigarette. Everyone nearby is enrolled.That is the strange arithmetic of secondhand smoke: the choice is singular...

19 days ago• 7 min read
Explore all Opinion articles