Sobrang bilis makatanggap ng kritisismo ang mga letrang tila kinahig ng manok, mga salitang hindi mabasa, at tintang nagkabuhul-buhol sa sobrang gulo. Imbes na kutyain ang hindi kaaya-ayang kasulatan, atin munang tanungin—ilang pahina ba ng walang kabuluhang pagpapakopya ang pilit na isinaksak sa kanilang mga lalamunan? Ang magulong sulat ay hindi katamaran; ito ay bakas ng isang pagod na kamay na pilit humahabol sa isang sistemang ginagawang katatawanan ang isang malinaw na sintomas ng krisis sa pagkatuto.
Dahil sa dami ng mga kailangang tapusin na sulatin sa loob ng paaralan, sino nga ba naman ang magkakaroon ng panahon na pagandahin pa ang sulat? Ilang slides ng PPT ang pilit na ipinapasulat sa mga estudyante—nakalulungkot dahil sinusukat sa kapal ng kanilang notebook at hindi sa talas ng kanilang pag-unawa ang tunay na karunungan. Ngunit sa tunay na buhay, hindi kailanman epektibo ang ganitong sistema. Dahil ang ilan naman sa mga nakasulat sa bawat pahina ay hindi pa higit na nauunawaan kahit ng mismong sumulat.
Maaari rin ikunsidira ang ilang mga mag-aaral na mayroong hindi kaaya-aya na sulat ay sumasailalim sa tinatawag nating Dysgraphia. Ito ay isang neurological disorder kung saan ang utak ay nahihirapang iproseso ang mga letra at ang pagitan nito. Kahit anong pilit ng bata, ang kaniyang kamay ay hindi sumusunod sa nais ng kaniyang isip. Isang bagay na kung saan saradong usapin sa ating bansa. Mas pinapairal ang pangungutya na ang bata raw ay “tamad” o ‘di kaya ay “dugyot” kaysa pag-unawa ng mga ganitong bagay.
Aminin man nating mga estudyante o hindi, sa loob ng ating mga silid-aralan noon pa man at hanggang ngayon, unti-unti nilang ginagawang mga human xerox machine ang ating mga mag-aaral. Sa halip na palalimin ang diskurso at kritikal na pag-iisip tungkol sa isang paksa— nauubos ang oras ng klase sa mekanikal na pagpapakopya ng mga dambuhalang teksto mula sa pisara patungo sa kuwaderno. Hindi disiplina ay nahuhubog sa ganitong paraan, kundi ang pabulok na pabulok na pag-unawa’t pag-intindi ng mga estudyante sa mga sulatin sa loob ng kanilang kuwaderno.
Sa kabilang banda, hindi natin maipagkakaila na iba pa rin ang malinis at klaro na kasulatan. Ngunit ‘wag naman sana tayong maging ignorante—dahil imbes na magpokus tayo sa pagbibigay ng puna sa mga sulat ng estudyante, atin munang tanungin, epektibo nga ba ang kasalukuyang estruktura ng edukasyon sa bansa? Kung saan ilang pahina nga ang naisulat ng mga estudyante sa kanilang papel at kwaderno, ngunit kahit konting pagkatuto ay wala.
Ang tunay na dumi ay hindi matatagpuan sa magulong sulat ng mag-aaral, kundi sa mga polisiyang mas pinapaboran ang tambak na papeles kaysa sa kalidad ng karunungan. Ang isang bansa na mas marunong pang mamintas ng penmanship kaysa umunawa sa learning crisis ay isang bansang walang patutunguhan. Kailangan pa natin ng mas matitibay na polisiya kung paano gagawing mas matatag ang ating kasalukuyang mahinang sistema na magiging bunga ay mga estudyanteng sinasabihang “tamad”, ngunit ang ilan ay alipin lamang naman ng tabinging sistema.
Written by Jesica F. Laboc, Insight PH
Jesica F. Laboc, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



