Akala ko noon
kaya mo lang talagang tiisin ang lahat
kahit kulang sa tulog,
kahit sumasakit na ang likod mo,
kahit paulit-ulit ang buhay mo
sa pagitan ng kusina at lababo.
Akala ko noon
likas lang sa mga nanay
ang mapagod nang walang reklamo.
Pero habang tumatanda ako,
unti-unti kitang nauunawaan.
Kaya pala tuwing gabi
kahit antok na antok ka na,
pinipilit mo pa ring itanong
kung tapos na ba ang takdang-aralin ko.
Kaya pala paulit-ulit mong sinasabi
na kailangan kong mag-aral nang mabuti.
Kaya pala takot ka sa salitang “sayang.”
Kasi ayaw mong magaya ako sa’yo.
Hindi dahil mababa ang tingin mo sa sarili mo,
kundi dahil alam mong mahirap mabuhay
na may pangarap kang gustong abutin
pero kailangang unahin ang iba.
Isang beses,
narinig kitang kausap si Tita sa telepono.
Mahina mong sinabi,
“Pangarap ko rin namang makatapos noon.”
Doon ako natahimik.
Doon ko lang naisip
na bago ka naging Nanay,
babae ka muna palang
may mga pangarap na iniwan
hindi dahil ayaw mo,
kundi dahil kinailangan.
Kaya pala kapag nakikita mo akong tinatamad,
naiinis ka agad.
Kapag gusto kong sumuko,
ikaw ang unang nagagalit.
Hindi dahil mahigpit ka,
kundi dahil alam mo
kung gaano kasakit
ang mawalan ng pagkakataong minsang pinangarap mo rin.
Ngayong mas matanda na ako,
naiisip ko minsan
kung anong buhay kaya ang mayroon ka
kung pinili mo ang sarili mo noon.
Baka may diploma kang nakasabit sa dingding,
baka may trabahong minahal mo talaga,
baka mas magaan kang tumawa,
hindi laging pagod, hindi laging tahimik.
Pero heto ka,
bitbit pa rin kami
kahit ikaw mismo
unti-unti nang nauubos sa pagod na tahimik.
At hindi ko alam
kung paano pasasalamatan
ang isang taong isinuko ang sariling pangarap
para lang matiyak na maaabot ko ang akin.
Kaya pangako, Mama,
magtatapos ako.
Hindi lang para sa sarili ko,
kundi para rin sa mga pangarap mong
hindi natapos noon,
pero mabubuhay sa bawat tagumpay ko ngayon.
Written by Lia Abellana, Insight PH
Lia Abellana, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



