Gising na siya bago pa magising ang bahay,
parang may sariling orasan ang kanyang mga kamay.
Si Inay, laging “sandali lang,”
pero hindi yata siya natatapos sa pag-aalaga.
Kapag kami’y kumakain, siya ang huling uupo,
Minsan, nakakalimutan na rin niyang kumain nang buo.
Ang kanin sa plato namin ay laging mainit at buhaghag,
Para siguradong wala kaming kulang sa hapag.
Ngunit sa ilalim ng kaldero kumakapit, umiinit, hanggang sa maging kayumanggi,
laging may isang taong kumukuha na walang pag-aatubili.
Natural na lang sa kanya ang “sa huli,”
sa huling sandok, sa huling upuan, at sa huling oras sa sarili.
Salamat, Inay.
sa lahat ng kanin na inuna mo para sa amin,
kahit ang sa’yo, laging nasa ilalim.
Written by Czevie Sigue, Insight PH
Czevie Sigue, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



