Habang dumadagundong ang lumang makina ng jeep, biglang sumabay sa hangin ang tinig ng kantang ‘Ganid’ ng Paham. Bawat lirikong umaagos mula sa basag na speaker ay tila nagiging apoy na dumadampi sa aking balat. “Mundo’y dumidilim, wala bang nakapansin? Paulit-ulit na inaaning, bulag ka pa rin?”—napapikit ako’t napaisip. Ilang libong mata ang nakamasid sa lansangan, ngunit bakit tila walang nakakakita sa bulok na sistemang nilulunok nating lahat? Sa bawat kadyot ng jeep sa lubak, para bang nakikita ko mismo ang mamamayan—umaalog, sunod-sunuran, pilit isinasayaw ng mga lubid ng kapangyarihan.
Kasabay ng liriko, “Sunod-sunuran sa hakbang, kahit walang makain,” nasulyapan ko ang isang batang naglalako ng kendi sa gilid ng kalsada. Payat ang katawan, nangingintab sa pawis ang noo, subalit pilit na nakangiti. Napahigpit ang kapit ko sa malamig na bakal ng jeep. Hindi kathang-isip ang mga salitang iyon. Higit pa rin sa ating mga kababayan ang nananatiling nakakulong sa kahirapan—mga bitukang kumakalam, habang ang mga nasa itaas ay nagtatampisaw sa karangyaan, waldas sa piging na hindi natin matikman kahit mumo.
“Mga pangakong binitawan, ginawa niyong bato. Mga taong walang ginagawa, inaabuso.” Sa mga salitang ito, dumagan ang bigat sa aking dibdib. Parang lubid na mahigpit na nakapulupot sa leeg ng bawat pasahero, hinihila-hila ng mga nakaupo sa trono ng kasakiman. Hindi sila mga pinunong tunay, kundi mga papetir na ginagawang laruan ang masa. Tayo’y mga tau-tauhang nakabitin sa lubid ng kanilang kasinungalingan, kumikilos ayon sa kanilang paghatak, at ang natitira lamang sa atin ay gutom—hindi lang sa pagkain, kundi sa katarungan at pag-asa.
Nang marinig ko ang liriko: “Nakahain sa harapan ang pawis, luha’t dugo, kada tingin sa paligid, pula nakikita ko,” tila isang sampal ng katotohanan ang gumising sa akin. Hindi na ito basta musika—isa itong punglo na tumama sa sentido. Jeep na aking sinasakyan, puno ng pawis at luha ng drayber, pinatatakbo ng gasolina ng sakripisyo, habang ang mga pasaherong gaya ko’y nagbabayad ng barya upang makarating kahit saan, ngunit kailanman hindi makarating sa tunay na ginhawa.
Pagbaba ko ng jeep, napalingon ako sa drayber. Nakakunot-noo, tila pasan ang bigat ng buong bayan, subalit patuloy sa pagpapatakbo. Sa isipan ko, umalingawngaw muli ang linya: “Payag na ganon na lang, palag-palag walang mararating. Mga pangakong binitawan, ginawa niyong bato.” Naalala kong sa kabila ng lahat, umaasa pa rin ang marami sa matatamis na salita ng mga nasa poder—mga pangakong pininturahan ng ginto, ngunit itinayo sa pundasyon ng kasinungalingan. Masakit mang isipin, mas nauna pang natutupad ang kanilang mga pansariling luho kaysa pangarap ng bayang umaasang magising sa bagong umaga.
Ngunit habang pinagmamasdan ko ang unti-unting paglubog ng araw, isang pag-asa ang kumislap. Baka tayo’y hindi lamang basta pasahero sa bulok na sasakyang ito ng sistema. Darating marahil ang araw na ang bawat papet ay bibitaw sa tali, at sa halip na palag na walang mararating, magiging palag na wawasak sa trono ng mga buwaya. “Pagod na kong magtiis, pambihira”—hindi na ito liriko, kundi panata. Panata ng sambayanang hindi na kailanman papayag na manatiling tau-tauhan sa entabladong itinayo ng mga sakim at mandaraya.
Written by Francis Owen Romano, Insight PH
Francis Owen Romano, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



