Kahit makailang ayuda pa 'yan, mananatili pa rin na ganiyan.
Marami nang programa ang isinulong, ngunit siksikan pa rin sa iskinita ang mga pamilyang sampu ang miyembro.
Isa na 'yang TUPAD na 'yan—ewan ko lang, pero batay sa aming kasalukuyang kalagayan, parang gano'n pa rin naman. Kasama ang kapatid at ama ko sa programa, ngunit tila ba wala namang pinagbago.
Minsan na rin kaming nakakain ng masarap—'yung manok mula sa Jollibee. Hindi nga namin sariling pera 'yon, donasyon lamang, subalit ayos lang basta't 'di kami uuwing gutom.
Pero habang lumilipas ang panahon, nananatili pa rin kami sa gano'ng sitwasyon.
Nangangalakal araw-araw, sugat-sugat ang kamay para sa katiting na pera na kay hirap pagkasiyahin.
Hindi naman nawawala sa utak namin ang pag-asa na baka sakaling hindi na kami nakatira sa lugar na malayo sa kahulugan ng tirahan. Sa ilalim ng tulay ay minsan nang tumira—dasal na lang ang pag-asa na sana buhay pa kami kinabukasan.
Humahawak pa rin kami sa pag-asang baka naman ay magawan na ng paraan ang aming sitwasyon. Na sana si bunso ay magdirediretso sa pag-aaral at hindi katulad namin na tumigil para may pangtustos sa araw-araw.
Baka sakaling bukas, may mag-abot muli. Sana sasapat sa isang linggong pamumuhay na halos sa dasal na lang idinadaan.
Wala namang masamang umasa na makalalaya sa sitwasyong hindi ginusto. Ang kalam ng sikmurang halos hindi na masikmura. Ang saklap magpaalila sa pag-asang hindi malaman kung tunay ba.
Written by Jannah Jamila L. Dang-awan, Insight PH
Jannah Jamila L. Dang-awan, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



