Para sa pamahalaan: ang kawalang suporta sa agham panlipunan sa akademya, ang hindi pagkilala dito bilang pundasyon ng serbisyo publiko, at bilang sistematiko at lehitimong lente para sa pagdedesisyon ay lantad na pagkamakasarili at pagbubura sa perspektibang mula sa mamamayan.
Walang kwenta ang mga batas, bulag ang mga programa, at hungkag ang serbisyo publiko, sa gawi ng ganitong gobyerno, at ang pinaka kawawa sa lahat ay ang mamamayan na mag-titiis sa kababawan at kapalpakan ng sistema, maapektuhan ang kultura, pananaw, at kabuoang paninindigan ng bayan.
Isa na akong guro-estudyante sa araling panlipunan ngayon, at nagsimula ang pagkamulat ko hindi sa loob ng paaralan, kundi sa pagsali ko sa mga community-based activities sa aming lugar at pambansa, na kung saan doon ko naramdaman ang kahinaan ng mga institusyon, agham panlipunan sa kabuuan, na inaasahang magpapalakas sa kamalayan ng mamamayan.
Sa mga nasalihan ko, palaging kulang sa kagamitan, kulang sa espasyo, at mas madalas kulang sa suporta sa kultural at politikal na aspeto. Kulang hindi usapin na gusto pa namin nang mas marami, kundi ay kulang dahil halos wala na kaming magawa mula sa kung ano ang mayroon kami. Sa katunayan, lahat naman ay nagsusumikap, walang tamad sa hanay ng mga volunteers, mga mapangahas na campus o community journalist, researchers, community artists, at marami pang iba. Ngunit malinaw ang hangganan ng sipag, hindi kayang buhatin ng dedikasyon ang isang larangang matagal nang pinababayaan ng sistema, pamahalaan, at institusyon.
Hindi dahil wala itong saysay, kundi dahil matagal na silang idineklarang “non-essential” sa isang lipunang komportable na sa kung ano ang kanilang dinatnan. Kung hindi mabagal, ay mababaw ang kamulatang naabot ng karamihan. Kung hindi pinipigilan, ay tinatago o ‘di kaya naman ay tuluyan nang nilulusaw ang mga dapat pang malaman.
Sa loob ng akademya, paulit-ulit kong naririnig ang linyang: “For submission lang naman to!” sa lahat ng konteksto: research, community extension, thesis, proyekto, hindi ito dahil tamad ang mga mag-aaral o manhid ang mga guro, ito ang natural na produkto ng isang sistemang ginawang requirement ang pagdagdag ng kaalaman, pero isinasantabi ang pagpapalalim nito. Kapag ang research, projects, activities ay for compliance na lamang, huwag na tayong magtaka kung bakit ito nauuwi na tambak sa silid-aklatan, imbes na bumalik sa mga komunidad na pinaghanguan nito.
Hindi rin ito bagong obserbasyon. Noong dekada ’70 pa lamang, malinaw na itong binigyang-diin ni Randolf S. David, dating Pangulo ng Philippine Sociological Society (1977) sa sanaysay na “The Use and Misuse of Social Science Research.” Ayon sa kanya, “There can be no doubt that the social sciences can be made useful, but perhaps, the essential question is: useful for whom? So far, it appears that the answer to this question has tended to be: useful for the social scientist and those who can afford to pay for his skills.” Ang obserbasyong ito ay nananatiling totoo na ang kaalaman sa social sciences ay madalas nakakulong sa akademya, sa conference, o sa institusyong may kakayahang magbayad, habang ang mga komunidad na pinagmulan ng datos at karanasan ay nananatiling nasa laylayan.
Hindi dapat maisisi sa mga nagsasagawa ng pag-aaral, proyekto, at iba pang gawaing panlipunan ang mga limitasyon, sapagkat bukod sa kakulangan sa pinansyal na magpapaandar sa gawain, nadatnan na ito ng lahat nang may sistematikong kahinaan, at nakikita ito nang lahat ngayon na isinasawalang bahala na lamang. Ang ilan, ang ganitong mga gawaing panlipunan ay ginagamit bilang instrumento para sa propesyonal na pag-angat, imbes na maturol sa panlipunan pagbabago at pagpapataas ng kaalamang para sa lahat. Hindi dahil likas na elitista ang social sciences, kundi dahil ganito ito hinubog at pinanatili ng sistema.
Malinaw sa akin kung paanong sobra-sobrang pangmamaliit at kapabayaan ang natatamasa ng social sciences. Kung paano binibitin, inaakusahan, at pinahihina ang mga gawaing panlipunan sa kanayunan at kalunsuran. Madalas, ang pagbabahagi ng datos ay tinatawag na brainwashing, ang paglalantad ng kondisyon ng mga inaapi ay binabahiran ng alegasyong destabilisasyon. Sa puntong ito, ang kaalaman mismo ang itinuturing na kasalanan. Naalala ko sa klase namin sa Anthropology ang paulit-ulit na diin: ang kaalaman ay may saysay lamang kung may ugat ito sa buhay ng pinagmulan at patutunguhan nito, na ang social sciences ay ay pundasyon ng pambansang diskurso, patakaran, at kolektibong pag-unawa sa lipunan.
Sa kabila nito, nananatiling kulang ang suporta, hindi lamang sa social sciences kundi sa marami pang sektor. At huwag nating iligaw ang usapan: ang kakulangan at pagkabitin ng social sciences ay hindi teknikal na problema. Ito ay politikal na desisyon, repleksyon ito ng kung ano, at sino, ang pinahahalagahan ng estado.
Hindi na ito bago. Maging mananaliksik, mamamahayag, guro, o artist, ang sinumang may kinalaman sa pagpapataas ng kamalayan ay sistematikong nilulugmok: sa red-tagging, sa sapilitang pananahimik, o sa tahimik ngunit epektibong pagkitil ng suporta. Tinatakot ang kaalaman dahil marunong itong magtanong. At ang tanong, kapag sineryoso, ay may kakayahang magpabagsak at makapagpabago.
Malinaw ang panawagan: panahon na upang seryosohin at pondohan ang social sciences related programs and activities, sa loob at labas ng mga paaralan. Hindi ito dagdag lang sa listahan ng prayoridad. Pundasyon ito ng isang lipunang marunong umunawa sa sarili nito. Hangga’t itinatrato bilang “pang-submission,” “kahina-hinala,” o “kahinaan” ang pananaliksik, journalism, at sining na may malalim na ugat sa komunidad, para naring sinabing walang kakayahan ang bayan na mag-isip, magpasya, at makapagpabago.
Uulitin ko para sa pamahalaan: Huwag kayong manhid at mag bulag-bulagan! Gamitin ang lente ng agham panlipunan! Ang ganitong isyu ay hindi simpleng kakulangan, kundi tahasang pagpili na manatili sa kapangyarihan habang iniiwan ang mamamayan sa sistematikong kapalpakan.
Written by Psy Ace Rocela, Insight PH
Psy Ace Rocela, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



