Ang unang siyam na buwan ng ating buhay ay ginugol sa loob ng katawan ng isang babae. Siya ang nagbigay ng init, proteksyon, at nutrisyon at siyang tunay na depinisyon ng salitang “tahanan”. Kaya kung ang bunganga mo’y puno ng kalaswaan at kabalbalan laban sa mga kababaihan, parang binabastos mo na rin ang sarili mong pinagmulan.
Madali lamang itikom ang bibig, kung wala naman itong ilalabas na mabuting salita, kundi puro pangmamaliit lamang at pagbibigay ng label laban sa mga kababaihan. Hindi na bago ang ganitong isyu, pero sana naman ay nagbabago ang sistema sa bawat paglipas ng taon. Ngunit, hindi—mas lalo pa itong lumala. Simpleng respeto, pantay na pagtingin, at oportunidad na ilang taon ding ipinaglaban ng mga kababaihan ang nawawalan ng saysay dahil sa mga bungangang sulsol ng kawalan ng respeto at kabastusan.
Katawan lamang ng babae ang tanging may buhay na kayang magdala ng panibagong buhay sa loob ng siyam na buwan. Kaya walang sino man ang may karapatan na magdikta sa sariling katawan ng isang babae—kung ano ang dapat niyang susuotin, ikikilos, at magiging desisyon dito. Simpleng ideolohiya na hindi kayang ipalaganap sa lipunan. Nakakatawa dahil bakit kailangan pa nating magalit para lamang makahingi ng respeto at suporta para sa mga kababaihan? Hindi ba’t simpleng karapatang pantao na ito?
Bakit laging kasalanan ng mga babae kapag sila ay nababastos? Kahit kailanman, hindi nila kasalanan na may mga bungangang katulad nila Bong Suntay at Attorney Topacio na tanging sariling opinyon nila laban sa mga kababaihan ang pinaglalaban. Hindi natin kailangan ng mga papuring mula sa mga bunganga na parang baboy sa koral na nababahiran ng mga putik at dumi. Nakakasuka. Ang bababoy ninyo.
Sa kabilang banda, marami pa rin ang bumabaluktot ng sisi at pilit itong idinidiin sa bawat suot ng mga kababaihan. Ngunit, kahit balutin pa man ang kanilang buong katawan ng tela, kailanman ay ‘di nila matatakasan ang mga matang mapangnasa at mga bungangang mapanghusga. Hindi kasuotan ng mga kababaihan ang dapat baguhin, kundi ang kanilang bulok at baluktot na mentalidad na nagsasabing ang mga kababaihan ay isang bagay o laruan lamang na puwede nilang lagyan ng kahit anong label.
Written by Jesica F. Laboc (Soulara), Insight PH
Jesica F. Laboc (Soulara), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



