Mapupulang labi. Porselanang kutis. Banayad na habi ng buhok na mapang akit. Ang hubog ng katawan niya ay maihahalintulad sa pagdapa ng isang anghel sa mundong makasalanan. Maging ang araw ay dinaig sa kislap ng kanyang mga ngiti. Kapuri-puri man ang kagandahan, sa mata ng kalapastanganan ay mapanlinlang.
Natagpuan ko siya sa lilim ng gabi, nakakubli sa sulok ng isang silid. Tumambad sa aking harapan ang bakas ng dignidad na nilisan ang kanyang katawan. Hindi man binawian ng hininga, ay para na rin siyang pinatay sa tadtad ng mga nakaw na halik ng mapagsamantala. At bukod sa binahiran ng dumi ang kanyang pagka-inosente, tuluyang gumuho ang kanyang buong pagkatao sa pagsasawalang-bahala ng mga saksi at inaakala ng tagapagligtas.
Sa buong daigdig, may isang Magdalena sa bawat tatlong babae ayon sa isang artikulo ng Philippine Consulate General. Kung bibilangin, mahigit sa 700 milyon na babaeng pinatahimik bago pa man makapagsalita at ibinalik sa sarili ang panggagahasa na nangyari sa kanila. Hindi na ito bago, lalo na sa pamayanan at komunidad na Pilipino.
Imulat man sa tamang kaalaman at pagrespeto, bulaga pa rin ang karamihan sa tipikal na paniniwala ng kapag babae ka, bawat yapak mo'y tungo sa sala. Ang mismong paghawi sa buhok ay isang paanyaya, at ang pagtayo sa gitna ng isang entablado ay pagsang-ayon sa kanilang mga pagnanasa. Na kahit nakadamit ka man, ay hubo't hubad ka sa kanilang isipan.
Musmos man o matanda, nakaukit na sa kaisipan ng sangkatauhan na ang pagiging disenteng babae ay nakatali sa pagkubli ng sarili. Mapa-damit man o ekspresyon— ang gustuhin na kumintab ay pagiging uhaw sa atensyon. At ang masaklap, pag may babaeng biktima ng gahasa, sumusulpot agad ang tanong na, “Ano ang suot niya?” o di kaya mababanggit ang kaniyang ganda.
Imposibleng mamatay ng dalawang beses. Ngunit, kung isa kang Magdalena, kulang pa ang dalawa. Biktima ka na nga, na sa'yo pa ang husga.
Hindi lang kwento si Magdalena. Hindi bulong sa hangin. Siya ay kapitbahay. Kaklase. Ikaw. Siya ay isa sa libu-libong Pilipina na dinadaya at inaapi sa kanilang tahanan. Bata man o matanda, may kolorete man sa mukha o wala. At hangga't maraming nagbibingihan at naniniwala sa sakim na patriarka, mananatili sila sa lilim ng gabi—naghihintay na may magtanda…. at magsalba sa kanila.
Written by Gillian Reyes, Insight PH
Gillian Reyes, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



