Sapagkat ang ibigin ka ay hindi pangkaraniwan sa mata ng karamihan, nakamamatay ang kanilang panghuhusga, subalit sino nga ba ang tunay na makasalanan sa pagitan ng atin at kanila.
Wala sa kasaysayan ng mundo, o kahit sa anumang mga lumang libro, makikita ang mga patakaran na kailangang sundin at lakaran ng mga paa pagdating sa pag-ibig. Madalas ngang marinig ng mga tenga na mahirap pigilan ang damdamin, lalo na kung sa tingin mo ito ay puro, tunay, at totoo.
Isang mainit na talakayan pa rin ang pagmamahalan ng mga parte ng LGBTQIA+ community. Ayon sa mga “relihiyosong indibidwal,” sabi raw ng Diyos, ang makipagrelasyon sa parehong kasarian ay isang mabigat na kasalanan, na siyang dahilan upang hindi mo maitatapak ang iyong kanan at kaliwang paa sa kanyang kaharian. Subalit mula ba talaga ang mga iyon sa Panginoon, o ito’y bunga lamang ng pinagpasa-pasahang katagang paboritong litanya ng mga taong tinuturing ang kanilang sarili na huwaran at tapat na Katoliko.
Mahirap makahanap ng kapareho sa mundo; idagdag pa ang pasakit na opinyon at ingay na maririnig mo sa mga taong palasimba tuwing Linggo, pero kung makapanghusga ay dinaig pa si San Pedro. Pangarap nang kahit sino ay makahanap ng taong magmamahal sa kanila nang totoo, yung tipong naglalakad kayong pareho, magkatabi at hawak ang kamay ng isa’t isa, walang pakialam sa mga mata at masasabi ng iba.
Halos lahat ng tao ay mamamatay-tao.
Hindi maituturing na pagmamalasakit ang pagbibigay ng komento o opinyon sa relasyon ng dalawang magkaparehong kasarian. Minsan ang mga salitang bumubulalas sa bibig ng mapanghusgang mamamayan ay siyang nagiging dahilan upang tuluyang mahimlay ang pusong nagmamahalan.
Paulit-ulit na lamang nangyayari, isang bagay na bumubusal sa dapat sanang pusong malayang ipinagsisigawan kung ano ang nilalaman, subalit dahil sa mga umaaligid na latang walang laman, mas pinili na lamang ikubli ang tunay na nararamdaman.
Ang pag-ibig sana ay isang bagay na mapagpalaya, walang pinipiling kasarian o wala dapat sanang nakukutya. Kung kaya sa huli, sino ba talaga ang tunay na makasalanan?
Kung kasalanan man ang tingin nila sa ating pag-iibigan, malugod kong tatanggapin na tunay nga akong makasalanan, sapagkat ikaw ang kasalanang paulit-ulit kong pipiliin at hindi pagsisisihan.
Written by Michael Omar, Insight PH
Michael Omar, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



