Namayagpag ang University of Santo Tomas (UST) matapos walisin ang Unibersidad ng Pilipinas (UP), 25-22, 25-18, 25-16, swak upang maikandado ang kanilang ikalimang dikit na tagumpay sa UAAP S88 men's volleyball sa Mall of Asia Arena noong Miyerkules, ika-11 ng Marso.
Agresibong pumuwersa ang yellow-clad UST matapos bumuo ng midway surge sa third set nang magburda ng 17-10 na bentahe matapos abusuhin ang malamyang depensa at hindi na lumingon pa na nagmitsa sa tuluyang pagbagsak ng tsansa ng UP na makabawi.
Inakay ni two-time MVP Josh Ybañez ang opensiba ng Golden Spikers matapos mag-ukit ng 13 puntos sa likod ng 12-of-23 spikes at isang ace, sahog ang 18 puntos ni Dux Yambao gamit ang 14-of-18 excellent receptions at pitong excellent digs dahilan upang maihatid ang koponan sa 5-1 na rekord.
"We prepared to neutralize Raheem pero mas maganda 'yung targeting namin this game and fewer errors. Maganda 'yung mindset ng mga players today," saad ni UST head coach Odjie Mamon.
Maagang kumana ang UST ng 3-0 na early lead at napanatili ang liderato hanggang sa huling frame ng unang set bisa ng mga backcourt spike nina Ybañez at Macam upang idiskaril ang tangkang pag-alpas ng UP at maisara ang laban, 25-22.
Matapos ang dikit na opener, umeskapo ang Golden Spikers mula sa 10-11 disadvantage patungo sa 17-11 rally nang kumamada ng 7-to-nothing run gamit ang backrow attacks sapat upang maangkin ang 25-18 na panalo sa ikalawang set.
Binarikadahan ng UST ang pagragasa ng UP matapos ang walang humpay na pagdomina na sinabayan ng defensive plays mula sa puwersa nina Ybañez, JJ Macam, at Sherwin Umandal sa ikatlong set para wakasan ang laban sa loob ng 78 minuto.
Sa kabilang banda, iginiya naman ni league-leading scorer at spiker UP ace Olayemi Raheem ang Fighting Maroons hanggang sa dulo ng laro subalit nabigo ito matapos limitahan ng UST sa kaniyang season-low 12 puntos upang pigilan kalaban.
Hindi rin nagpahuli si Macam matapos umariba ng siyam na puntos at ang Rookie na si Joncruz Ayco na nagpuslit ng 9-of-14 kills para panatilihin ang magandang ritmo ng UST.
Muling sasabak ang UST upang panatilihin ang kanilang winning streak kontra FEU na wala pang naitalang talo, 6-0 ngayong Sabado sa parehong Pasay Avenue.
Written by Florenz Gie Abit, Insight PH
Florenz Gie Abit, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



