Ikinandado ng defending titlist National University ang ikalawang Final Four finish sa UAAP S88 women's volleyball matapos walisin ang University of the East, 25-19, 25-14, 25-14, sa UST Quadricentennial Pavilion noong ika-12 ng Abril.
Matapos ikamada ang momentum sa unang set, pinagpatuloy ng NU ang pagratsada sa sumunod na dalawang set rason upang maibagahe ng koponan ang post-season spot sa ikalimang sunod na pagkakataon.
“I’m happy because we made the Final Four but that’s not our main goal. We still need to work hard to achieve our top goal,” giit ni Alinsug sa pagtatapos ng laban ayon sa Inquirer.Net.
Sinandigan naman ng NU si Vange Alinsug matapos kumayod ng 11 puntos mula sa 10 attacks at isang ace na sinahugan din ng 11 receptions at tatlong excellent digs.
Kaagad nagposte ang NU ng offensive rush sa opener, 13-5, sa bisa ng service aces at dominanteng spikes na nagmitsa sa maagang pagkontrol sa laban.
Hindi na muling lumingon ang NU nang magpalobo ng 20-12 na kalamangan sa likod ng agresibong spikes at tuluyang inangkin ang first set, sa kabila ng tangkang paghabol ng UE na nagpaabot ng iskor sa 22-18.
Nagburda ang NU ng early 13-4 lead sa second set na naglimita sa pag-abante ng UE sa tulong ng block ni Lams Lamina kay Khy Cepada at isang crosscourt shot ni Sam Cantada na nagbunsod upang maselyuhan ang ikalawang set, 25-14.
Naging mahina ang entrada ng opensa ng NU pagdating sa ikatlong set matapos maikartada ng Lady Warriors ang 11-9 surge matapos ang back-to-back hits.
Subalit, agresibong rumesponde ang Lady Bulldogs sa pangunguna nina Cantada, Alinsug, Arah Panique, at Alex Mata upang maipuslit ang 9-to-nothing run at irehistro ang 18-11 bentahe.
Tuluyan nang humarurot ang NU gamit ang dalawang puntos ni Panique habang kumonekta naman si Chamy Maaya ng game-winning block kay Sam Tylan upang wakasan ang laban sa loob ng 84 minuto.
Sa huli, napasakamay ng NU ang solidong solo second place tangan ang 9-3 rekord dahil sa kanilang three-game run.
Written by Florenz Gie Abit, Insight PH
Florenz Gie Abit, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



