Bumalikwas sa kanilang mabagal na entrada ang Cignal Super Spikers at Creamline Cool Smashers upang mailista ang parehong come-from-behind win sa pagsisimula ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Round-Robin semifinals nitong ika-11 ng Abril sa Mall of Asia Arena.
Sa unang game, nakabawi ang Super Spikers sa malamlam na simula upang maibagahe ang 23-25, 25-14, 25-11, 25-12 tagumpay kontra Farm Fresh Foxies at simulan nang malakas ang kanilang kampanya sa semis.
Sinandalan ng Cignal sa opensa si Erika Santos na may kabuuang 21 puntos kung saan 20 rito ay mula sa attacks at isa naman mula sa block.
Mabilisang binura ng Super Spikers ang nakuhang kalamangan ng Foxies at agarang binaligtad ang laban matapos maangkin ang dalawang sunod na set.
Nagpatuloy ang dominasyon ng Cignal sa fourth set kung saan agad nilang napanghawakan ang 13-5 lead matapos ang 5-0 run sa pangunguna ni Santos.
Sinubukan pang sumagot nina Trisha Tubo at ng Farm Fresh, ngunit patuloy lang lumobo ang ang kalamangan ng Super Spikers na umabot pa sa sampung puntos, 21-11.
Hindi na lumingon pa ang Cignal at tuluyang sinelyuhan ang panalo sa isang kill ni Vanie Gandler at joust mula kay Tin Tiamzon.
Nakarehistro ang outside spiker na si Gandler ng 18 puntos upang magbigay ng suporta sa Super Spikers habang si Tiamzon naman ay may 11 puntos.
Samantala, nanguna naman para sa Foxies si Tubo na tinapos ang laro na may 19 puntos.
Sa huling laro, natakasan naman ng Cool Smashers ang top-seeded PLDT High Speed Hitters sa iskor na 22-25, 27-25, 19-25, 28-26, 15-10 matapos matagumpay na mapwersa ang isang decider.
Maagang nakakuha ng kalamangan ang High Speed Hitters at may pagkakataon pang maisara ang laban sa fourth frame matapos mailista ang 26-25 na match point.
Subalit rumesbak para sa Creamline sina Jema Galanza at Tots Carlos matapos umangat ang kanilang koponan sa set point, 27-26, na agad namang nasundan ng isang error mula kay Savi Davidson na siyang tuluyang nagbukas ng fifth set.
Dala-dala ang mataas na kumpyansa, bumulusok ang Cool Smashers sa isang 10-4 panimula sa do-or-die set subalit nagawang makalapit ng PLDT sa 12-10 matapos ang magkakasunod na puntos mula kay Davidson.
Napigilan ng Creamline ang ginawang run ng High Speed Hitters at nagawang makuha ang match point, 14-10, mula sa puntos ni Bernadeth Pons bago ang attack error ni Davidson na siyang tuluyang nagsemento sa panalo.
Nanguna si Pons para sa Cool Smashers matapos magpasabog ng 28 puntos na sinundan ng 17 at 10 puntos nina Galanza at Allysa Valdez.
Sa kabilang banda, namayani naman para sa PLDT si Alleah Malaluan na nagrehistro ng kaniyang career-high na 23 puntos.
Written by Rex Neil Falogme, Insight PH
Rex Neil Falogme, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



