Sa loob ng mahabang panahon, tila sa palad lamang ng isang kasarian gumugulong ang mundo ng agham. Sa mga laboratoryo at pahina ng kasaysayan, kalalakihan ang madalas na itinatampok sa mga diyaryo’t tekstong nililimbag. Ngunit subukan mong pagmasdan nang maayos ang mga linya: doon mo makikita na sa likod ng bawat teorya at eksperimento, hindi maikakaila ang mahalagang papel at kontribusyong matagal nang inuukit ng kababaihan.
Sa likod ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM), unti-unti nang nabibigyang-pansin ang presensya ng mga babae sa larangang ito. Sila ang buhay na pruweba na ang agham ay hindi eksklusibo para sa iisang kasarian lamang.
Isa sa mga kababaihang may malaking marka sa agham ng Pilipinas ay si Dr. Fe Del Mundo, ang nagtatag ng kauna-unahang pediatrics hospital sa bansa. Malaki man ang kaniyang tagumpay na kinahahantungan, hindi biro ang kanyang dinanas upang makagapang patungo sa liwanag ng entablado. Noong unang panahon, hindi tumatanggap ng kababaihan ang Harvard Medical School: isang paniniwalang naging mapinsala sa karapatan ng mga babaeng naghahangad ng mataas na edukasyon. Ngunit dahil sa kaniyang angking talino, nabasag ni Del Mundo ang balakid ng diskriminasyon. Siya ang naging kauna-unahang babaeng mag-aaral sa nasabing unibersidad, na nagdala ng dangal sa Pilipinas bilang "Ina ng Pediyatrikong Pilipino."
Hindi lamang sa medisina nag-iiwan ng bakas ang mga kababaihan, kundi pati na rin sa teknolohiya at rebolusyon. Isang susi rito si Maria Orosa, isang Pilipinong pharmaceutical chemist. Siya ang utak sa likod ng banana ketchup, soyalac (soya milk powder), at darak (rice bran cookie) na naging kritikal na lunas sa gutom ng mga sundalo at sibilyan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kabila ng mga tagumpay na ito, nananatili pa rin ang hamon. Bakit nga ba kailangang ituring na isang pagkakamali ang pagtahak ng isang babae sa landas na ito? Ang siyensiya ay hindi nakadepende sa kromosomang ‘XX’ o ‘XY’, at tiyak na hindi masusukat ang kapasidad ng utak batay sa kasarian.
Ayon sa datos ng UNESCO noong 2024, nananatiling hindi makatarungan ang balanse sa mundo ng siyensiya dahil tatlo lamang sa bawat sampung researcher sa buong mundo ang kababaihan. Bagaman dumarami ang mga babaeng kumukuha ng kursong STEM sa kolehiyo, kapansin-pansin ang pagbawas ng kanilang bilang habang tumataas ang posisyon. Ang paglahong ito ay dulot ng diskriminasyon, kakulangan sa pondo, at mga limitasyong idinidikta ng mga luma at nakasanayang gampanin sa lipunan.
Ang agwat na ito ay salamin ng isang sistematikong hadlang na pumipigil sa mga babaeng scientist na makuha ang nararapat na pagkilala. Ang pag-unlad ng ating lipunan ay hindi magiging ganap hangga’t may mga pintong nananatiling sarado para sa mga kababaihang handa sanang magbigay ng solusyon sa mga sakuna ng mundo.
Ang agham ay para sa lahat; ngunit kung isasantabi ang tinig ng mga babae, ano pa ba ang halaga ng larangang limitado ang saklaw at kulang ang kinakatawan?
Written by Marie-test, Insight PH
Marie-test, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



